12/09/2025
230 PNP PERSONNEL, IPINADALA NG CNPPO PARA SA PEÑAFRANCIA FESTIVAL 2025 DEPLOYMENT
Pinangunahan ni PCOL LITO L ANDAYA, Provincial Director ng Camarines Norte Police Provincial Office, ang send-off ceremony ng 230 PNP personnel na itatalaga upang tiyakin ang kaligtasan at seguridad sa nalalapit na Peñafrancia Festival 2025. Isinagawa ang seremonya ngayong Setyembre 11, 2025 sa Camp Wenceslao Q. Vinzons Sr., Brgy. Dogongan, Daet, Camarines Norte.
Mula sa Provincial Headquarters, iba’t ibang Municipal Police Stations at Mobile Force Companies, ang 230 pulis ay magsisilbing augmentation force sa isang linggong pagdiriwang ng kapistahan. Ang kanilang pangunahing tungkulin ay ang pagbibigay-seguridad sa iba’t ibang gawaing panrelihiyon at sibiko na inaasahang dadaluhan ng libu-libong deboto, manlalakbay, at turista.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni PCOL ANDAYA ang kahalagahan ng kanilang misyon:
“Ang Peñafrancia Festival ay hindi lamang isang selebrasyon ng pananampalataya, kundi isang pagkakataon upang ipakita ang ating dedikasyon sa seguridad at kapayapaan. Kayo ang magiging katuwang ng ating mga kapwa uniformed services, pamahalaang lokal, at Simbahan upang masiguro na ang lahat ng deboto at turista ay ligtas, maayos, at payapa ang pagdiriwang.” Aniya, hindi lamang pagbabantay laban sa banta ang kanilang responsibilidad, kundi ang maging gabay, kaagapay, at ehemplo ng disiplina at malasakit sa kapwa.
Naniniwala si PCOL ANDAYA na buo ang kakayahan ng mga pulis na gampanan ang kanilang tungkulin. “Bitbitin ninyo ang dangal ng Camarines Norte Police Provincial Office. Kapag kayo’y nakita ng ating mga kababayan, makita rin nila ang integridad, dedikasyon, at serbisyo ng buong PNP,” dagdag niya.
Sa pagtatapos, ipinaalala niya na ang kanilang misyon ay hindi lamang nakatuon sa seguridad kundi maging inspirasyon at simbolo ng tiwala para sa lahat ng makikilahok sa pagdiriwang. “Sa gabay ng Poong Maykapal at sa pananalig sa Ina ng Peñafrancia, nawa’y maging mapayapa, maayos, at mataimtim ang paggunita ng Peñafrancia Festival 2025.”
̃afranciafestival Balitang Camarines Norte - BICOL