01/09/2026
https://www.facebook.com/share/p/1YctJCcL5d/
BAKIT BAWAL ANG DYNAMITE FISHING?
Hindi lang bawal dahil nasa batas. Bawal dahil winawasak nito ang kinabukasan natin sa dagat.
Sa Calaguas, iisang sabog lang, 10 hanggang 20 taon ang pinsala bago pa man makabawi ang bahura — kung makakabawi pa.
1. PINAPATAY NITO LAHAT, HINDI LANG ISDA
Ang pampasabog walang pinipili.
Sa isang putok lang, patay ang maliliit na isda, itlog, similya, pati mga isdang hindi naman hinuhuli. Yung mga isdang lumulutang at kinukuha, 10% lang yun. Yung 90%, lumulubog at nabubulok sa ilalim.
Kaya habang may isang banyerang huli ngayon, libo-libong isda ang hindi na mapipisa bukas.
2. WINAWASAK ANG BAHAY NG ISDA — ANG BAHURA
Ang isda sa bahura nakatira. Kapag sinabogan mo ang bahura, parang binomba mo ang buong barangay.
• Isang dynamite, gumagawa ng butas na 1-3 metro na puro durog na bato (rubble). • Ayon sa BFAR/DENR, ang blast site ay nagiging 60-80% rubble. Patay na. • Pag-aaral sa Bolinao: 1.4% ng coral ang nawawala kada taon dahil lang sa dynamite. At yung durog na bahura, kahit 20 taon na walang sumabog ulit, hindi na kusa bumabalik.
Walang bahura = walang isda. Walang isda = walang huli ang maliliit na mangingisda.
3. DELIKADO SA TAO AT ILEGAL SA BATAS
RA 10654 (Amended Fisheries Code) Section 126 — Ang pangingisda gamit ang pampasabog ay isang criminal offense.
• Parusa: Kulong ng 10-12 taon, multa na P300,000 hanggang P500,000, kansela ng bangka at gamit pangisda. • Delikado rin sa gumagawa — maraming napuputulan ng kamay, nabubulag, at namamatay sa maling paghawak ng dynamite.
At ayon sa BFAR, kahit bumili o magbenta ka ng isdang alam mong galing sa sabog, pwede ka ring kasuhan. Kaya sinusuri ng Fish Examiner ang isda — putok ang lobo sa tiyan, may dugo sa mata at hasang, bali ang tinik.
4. TAYO RIN ANG TALO SA HULI
Ang Calaguas ay binubuhay ng turismo at pangingisda. Sino ang pupunta sa beach na puro durog na corals? Sino ang bibili ng isda na may amoy ng pampasabog?
Ang dynamite fishing ay pagnanakaw sa kapwa mangingisda. Kumikita ang isa ngayon, pero ginugutom ang buong komunidad bukas.
Ang legal at sustainable na pangingisda, may isda pa rin kinabukasan.
Kung may nakikita kayong nagsasabog sa Calaguas / Camarines Norte:
I-document: GPS, oras, video sa tubig ng rubble at patay na isda.
I-report: BFAR Bicol (052) 742-1597, PCG 117, DENR PENRO Camarines Norte.
Hindi tsismis ang kailangan — ebidensya sa tubig.