10/08/2025
MURA PERO PALPAK ANG SERBISYO? PANAWAGAN SA NEA NA ILANTAD ANG BUONG KATOTOHANAN UKOL SA ELECTRIC COOPERATIVES
Ibinida kamakailan ng National Electrification Administration (NEA) na mas mababa ang singil ng karamihan sa electric cooperatives (ECs) kumpara sa Manila Electric Company (Meralco) batay sa residential rates mula Enero 2024 hanggang Hunyo 2025.
Sa ulat ng Manila Standard noong Agosto 6, sinabi ng NEA na 90 sa 121 ECs ang may mas mababang rates na umaabot mula P1 hanggang P4 kada kilowatt-hour ang diperensya sa singil ng kuryente kumpara sa Meralco.
Ngunit para sa mga consumer advocates, kulang ang ganitong datos kung hindi rin ilalahad ang kalidad ng serbisyo ng mga ECs.
❌ “Mura” nga ba kung madalas ang brownout?
Ayon sa mga reklamo mula sa mga probinsya, maraming EC ang may luma at hindi maasahang linya, mabagal ang restoration efforts, at kulang sa modernisasyon.
Katulad na lamang ng matagal nang isyu sa BATELEC ng mga Batangueño, kung saan madalas at matagal ang mga pagkaantala sa serbisyo sa kuryente, lalo na tuwing tag-init.
Ganoon din ang dinaranas ng mga Albayano sa serbisyo ng ALECO- mahinang klase at luma ang mga pasilidad kung kaya madalas din ang brownout. Dagdag pa dyan ang internal issues nito sa APEC.
Para sa mga negosyo, ang epekto ng madalas na power interruption ay higit na mabigat kaysa sa natitipid sa bayad.
❌ May subsidy rin ang ECs- hindi ito tunay na mura
Ipinunto rin ng mga kritiko na ang mababang rates ng ECs ay sinusuportahan ng mga pondo mula sa gobyerno, gaya ng Universal Charge at Missionary Electrification subsidy, na galing din sa buwis ng publiko.
Ibig sabihin, kahit mababa sa bill ang singil, binabayaran pa rin ito sa likod ng iba pang singil at pasanin sa buwis ng mamamayan.
✅ Meralco: Matatag at maaasahan ang serbisyo, kontrolado ang singil
Dinepensahan naman ng Meralco ang kanilang rates, lalo na sa gitna ng usapin sa gas procurement at power grid stability.
Ayon sa kumpanya, ang singil nila ay resulta ng market-based bidding at regulatory mechanisms, habang nananatiling isa sa pinakamababa ang kanilang distribution charge sa bansa, na hindi gumagalaw sa loob ng mahigit 10 taon.
Ayon sa Energy Regulatory Commission (ERC), nasa bottom 30%, o isa sa pinakamababa, ang distribution charge ng Meralco kumpara sa lahat ng distribution utilities sa Pilipinas habang patuloy nitong pinananatili ang mataas na reliability at mabilis na restoration.
✅ Mas malinis ang energy source ng Meralco
Mas malawak ang pinagkukunan ng suplay ng Meralco gaya ng natural gas, renewables, at coal, at mas malinis ding maituturing ang mga suplay na ito kumpara sa mga ECs na karaniwang umaasa sa mas mura ngunit maruming coal-fired power plants.
✅ Mataas ang electrification rate sa mga lugar na sineserbisyuhan ng Meralco
Batay sa datos ng Asian Development Bank noong 2019, nasa 98% ang may access sa serbiyo ng kuryente sa Metro Manila, na nasa ilalim ng franchise area ng Meralco, kumpara sa 40.9% lamang sa mga Mindanao, na sakop ng mga ECs.
Hindi tamang ikumpara ang mga electric cooperatives at Meralco batay sa presyo, dapat ilahad din ang:
• Bilang at tagal ng brownout kada taon
• System loss ng bawat kooperatiba
• Kalagayang pinansyal ng ECs
• Performance sa customer service at complaint resolution
Para sa mga consumer groups gaya ng Laban Konsyumer, Inc., kung presyo lamang ang ibinabandera, hindi ito buo o tapat na larawan ng tunay na kalagayan ng serbisyo sa kuryente.
Hindi sapat ang murang singil kung kapalit ay bulok na serbisyo.