30/10/2025
PNP, NAKA-HEIGHTENED ALERT SA BUONG BANSA PARA SA UNDAS 2025
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking ligtas at mapayapa ang publiko sa paggunita ng Undas, itataas ng Philippine National Police (PNP) sa pamumuno ni PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr., Acting Chief PNP, ang antas ng Heightened Alert Status mula 12:01 a.m. ng Oktubre 29, 2025 hanggang 11:59 p.m. ng Nobyembre 3, 2025.
Layunin nito na mapalakas ang presensiya ng pulisya, mapanatili ang kaligtasan ng publiko, at matiyak ang mabilis na pagtugon sa anumang pangyayari o insidente sa buong bansa.
Kabuuang 50,253 na PNP personnel ang ide-deploy sa ilalim ng “Ligtas Undas 2025” Security and Safety Plan upang magpatupad ng mga hakbang sa seguridad at kaligtasan ng publiko.
Susuportahan sila ng 16,592 personnel mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), at Philippine Coast Guard (PCG), gayundin ng 45,712 force multipliers na binubuo ng mga barangay tanod, BPATs, at mga boluntaryo.
Sa ilalim ng Heightened Alert Status, madaragdagan ng 25% ang bilang ng mga naka-duty na pulis upang palakasin ang seguridad sa mga sementeryo, transport terminals, pangunahing kalsada, at iba pang matataong lugar.
Binigyan din ng kapangyarihan ang mga Regional Directors na baguhin o dagdagan ang deployment base sa sitwasyong pangseguridad sa kani-kanilang rehiyon.
“Ito ang panahon kung saan inaasahan nating dadagsa ang ating mga kababayan sa iba’t ibang lugar—mula sementeryo hanggang mga terminal. Kaya’t sinisiguro natin na mararamdaman ng publiko ang presensiya ng ating kapulisan sa lahat ng panig ng bansa. Ang layunin natin ay simple: isang ligtas, maayos, at mapayapang Undas para sa lahat,” pahayag ni Acting Chief PNP, Police Lieutenant General Jose Melencio C. Nartatez Jr.
Ayon pa kay PLTGen Nartatez, walang natatanggap na banta sa seguridad sa ngayon, subalit patuloy na nakikipag-ugnayan ang PNP sa iba pang ahensya ng pamahalaan at lokal na pamahalaan upang mapanatili ang seguridad sa panahon ng Undas.
Tututukan din ang seguridad sa limang pangunahing sementeryo sa Metro Manila — Manila North Cemetery, Manila South Cemetery, Bagbag Public Cemetery, Loyola Memorial Park sa Marikina, at San Juan Public Cemetery.
“Upang masiguro ang mabilis na koordinasyon at real-time na pagtugon, gagamitin ng ating mga pulis ang mga Body-Worn Cameras (BWCs) na direktang konektado sa PNP Command Center, habang aktibo rin ang Unified 911 hotlines at mga radio network para sa agarang tulong,” dagdag pa ni PLTGen Nartatez.
Bilang bahagi ng security plan, may kabuuang 5,015 Police Assistance Desks (PADS) na itatalaga sa mga sementeryo, transport terminals, at pangunahing lansangan sa buong bansa. Ang bawat PADS ay manned ng uniformed personnel, katuwang ang mga barangay tanod, BPATs, at iba pang force multipliers.
“Pinaaalalahanan po natin ang publiko na sundin ang mga patakaran sa loob ng mga sementeryo at iwasang magdala ng mga ipinagbabawal na gamit gaya ng patalim, alak, o baraha,” paalala ni PNP Spokesperson, Police Brigadier General Randulf T. Tuaño.
“Ang ating mga pulis ay naroroon hindi upang makasagabal, kundi upang tumulong at magbigay-gabay. Nawa’y maging ligtas at makahulugan ang Undas 2025 para sa lahat,” dagdag pa ni PBGEN Tuaño.
Hinihikayat ng PNP ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at manatiling mapagmatyag habang ginugunita ang All Saints’ Day at All Souls’ Day.