11/09/2025
Ako ay isang MIU wife. Tatlong taon at apat na buwan na kaming kasal ng asawa ko, at siyam na taon at tatlong buwan na kaming magkasintahan bago iyon. Wala pa kaming anak, pero buo ang pagmamahal at tiwala ko sa kanya.
Noon, wala akong mahihiling pa—mabait, mapagmahal, masikaso, at mabuting asawa siya. Pero nagbago ang lahat nang mailipat siya sa opisina at nagkaroon ng bagong katrabaho—isang dalagang MIU na may fiancé at malapit nang ikasal. Sa simula, hindi ko pinansin. Ang iniisip ko, trabaho lang. Hanggang sa naramdaman ko na nag-iba siya: mabilis mag-init ang ulo, laging busy, at unti-unting lumalayo sa akin.
Hanggang isang araw, nakita ko ang mga mensahe nila. Nabasa ko ang mga salitang “mahal kita,” “ayokong magkahiwalay tayo,” at “pinagdarasal ko ang magiging babies natin.” Parang gumuho ang lahat ng pinaniwalaan ko.
Sinabi ko sa asawa ko—hindi ako ang talo rito. May sarili akong trabaho, wala tayong anak, kaya kong tumayo sa sarili kong mga paa. Alam ko kung gugustuhin ko, may tatanggap sa akin at mas maayos pa ang buhay na maibibigay. Pero pinili kita, dahil mahal kita. Hindi ako materyalistik na tao. Kayang pagtrabahuan ang pera at ari-arian, pero ang tiwala at respeto, kapag sinira mo, mahirap nang ibalik.
At tinanong ko siya—gaano ka kasigurado na ang babaeng iyan ay magiging tapat sa’yo, kung sa fiancé niya pa lang, hindi na siya naging totoo? Kung ang katuwiran ninyo ay “biruan lang,” anong klaseng biro iyon? Ganun ba kababaw ang gusto mong babae—iyong marunong lang magbiro pagdating sa pag-ibig?
Alam mo, lahat kaya kong tiisin. Kaya kitang samahan kahit mawalan tayo, kahit kumain lang tayo na Ang ulam ay asin, basta magkasama tayo. Pero sa usaping babae, doon ako humihinto. Dahil sa puntong iyan, hindi na ako ang may pagkukulang—kayo na mismo ang sumira sa sarili ninyong dignidad.
Hindi ko pinangarap na mauwi kami rito. At oo, nalulungkot ako, sobra. Pero hindi ako ang talo dito. Alam ko, sa dulo, ang Diyos ang maghahatid ng hustisya. At darating ang araw ng karma—at sa araw na iyon, mararamdaman ninyo ang bigat ng ginawa ninyo.
Ako ngayon, unti-unti nang nakaka-recover. Malinis ang konsensya ko. Wala akong niloko, wala akong itinago. At sa tulong ng pamilya ko at ng Panginoon, alam kong mas magiging matatag ako kaysa kailanman.
Kaya sana, sa AFP, hindi lang puro physical at mental strength ang itinuturo sa mga sundalo. Dapat may training din para sa puso at isip—para turuan kung paano pahalagahan ang asawa, ang pamilya, at ang dignidad ng pagiging tapat. Dahil anong silbi ng tibay ng katawan at talino sa diskarte, kung sa respeto at katapatan kayo bumabagsak? Godbless you po, pasensya na d ko po nilalahat, pasensya na s nadamay dahil sa mga may kasamahang mahihina sa decision making.