29/09/2025
AGB || LATHALAIN
𝓚𝓪𝓹𝓲𝓻𝓪𝓼𝓸𝓷𝓰 𝓢𝓾𝓵𝓪𝓽, 𝓚𝓪𝓹𝓲𝓵𝓪𝓼 𝓷𝓰 𝓟𝓪𝓷𝓰𝓪𝓻𝓪𝓹
Sa likod ng bawat pangarap ay may kuwento ng pagpupunyagi, at sa bawat kuwento ay may kapirasong sulat na nagsilbing simula ng lahat. Para kay Regina Amit, isang segment producer/ writer sa programang “Top 5 Mga Kuwento ni Marc Logan” na umeere tuwing Linggo sa TV5, ang kaniyang tagumpay ay nagsimula sa simpleng paglalathala ng damdamin sa social media.
Taong 2017 nang simulan niya ang page ng 'Kapirasong Sulat'. Dito ay naglalathala siya ng mga tulang mula sa sariling karanasan na sa kalaunan ay tinanggap at tinangkilik, hindi lamang ng mga kabataan, kundi maging ng mga taong nakaka-relate sa damdaming isinasaysay ng bawat tula.
“𝘕𝘢𝘨-𝘱𝘰𝘴𝘵 𝘭𝘢𝘯𝘨 𝘢𝘬𝘰 𝘯𝘢𝘯𝘨 𝘯𝘢𝘨-𝘱𝘰𝘴𝘵 𝘴𝘢 𝘴𝘰𝘤𝘪𝘢𝘭 𝘮𝘦𝘥𝘪𝘢. 𝘕𝘢𝘨-𝘷𝘪𝘳𝘢𝘭 𝘮𝘨𝘢 𝘱𝘰𝘴𝘵 𝘬𝘰, 𝘵𝘢𝘱𝘰𝘴 𝘮𝘢𝘺 𝘯𝘢𝘨-𝘳𝘦𝘢𝘤𝘩 𝘰𝘶𝘵 𝘴𝘢 𝘢𝘬𝘪𝘯𝘨 𝘱𝘶𝘣𝘭𝘪𝘴𝘩𝘦𝘳. 𝘋𝘰𝘰𝘯 𝘯𝘢 𝘢𝘬𝘰 𝘯𝘢𝘬𝘢𝘱𝘢𝘨-𝘱𝘶𝘣𝘭𝘪𝘴𝘩,” pahayag ni Amit nang siya'y tanungin kung paano nagsimula ang lahat. "Iyong pinakadahilan nito, gustong-gusto ko talaga magkalibro. Hindi inaakala, pero nangyari," dagdag pa niya.
Sa murang edad pa lamang, nahilig na si Amit sa pagsusulat. Isa siya sa mga aktibong kalahok sa mga patimpalak sa paaralan gaya ng Spoken Word Poetry. Sa kabila ng mga hamon sa buhay, hindi niya binitiwan ang pangarap na balang araw ay makapaglathala ng sariling aklat.
Nagtapos siya ng sekondarya sa Tiaong National High School noong 2020 habang taong 2024 naman nang magtapos siya sa kursong Bachelor of Arts in Broadcasting sa Bulacan State University, Malolos City. Sa kaniyang paglalakbay, hindi niya inakala na ang simpleng pagpo-post sa social media ang magiging daan upang matupad ang kaniyang pangarap.
Nito lamang Setyembre, isinagawa ang kaniyang kauna-unahang book launching at book signing ng Kapirasong Sulat na ginanap sa Manila International Book Fair 2025, SMX Convertion Center, Pasay City.
Ang kaniyang kuwento ay patunay na ang pangarap ay hindi kailanman naluluma. Sa bawat kapirasong sulat na isinulat mula sa puso, may kapilas itong pag-asa na maaaring magbukas ng pintuan ng tagumpay.
Sa panahon ngayon, kung saan ang teknolohiya ay bahagi na ng pang-araw-araw na buhay, ang kuwento ni Amit ay nagsisilbing inspirasyon, hindi lamang sa mga TNHSians, kundi maging sa mga kabataang nangangarap. Hindi hadlang ang kakulangan sa koneksyon o oportunidad kung ang puso ay puno ng determinasyon.
Sa bawat tinta ng panulat, sa bawat salitang isinulat, at sa bawat pangarap na pinangarap— may kapirasong sulat na nagsilbing simula. At sa kuwento ni Regina Amit, ang kapirasong sulat na iyon ay naging kapilas ng kanyang pangarap.
___________
📷 Regina Amit