08/06/2025
Trahedya sa Bulacan: Paalala sa Lahat na Maging Maingat sa Gamit ng Teknolohiya Habang Tayo’y Natutulog
Isang malungkot at mapait na pangyayari ang yumanig sa Malolos City, Bulacan sa madaling araw ng Miyerkules, Mayo 21, 2025. Nasawi ang apat na miyembro ng pamilyang Caluag matapos masunog ang kanilang tahanan sa Barangay Bulihan. Sa isang iglap, nawala ang isang buong pamilya, isang ina, isang ama, at dalawang inosenteng anak dulot umano ng isang bagay na madalas nating binabalewala: ang pagcha-charge ng cellphone habang natutulog.
Ayon sa Malolos Fire Station, nagsimula ang apoy bandang alas-4:00 ng madaling araw at naapula matapos ang 18 minuto, ngunit sapat na ang maikling panahong iyon upang kitilin ang apat na buhay. Ang nasawi ay sina Maricel Santos Caluag, 49, isang dedikadong g**o sa Molina Montessori at Bulihan Elementary School; ang kanyang asawa na si Phillip Caluag, at ang kanilang dalawang anak na sina Felice, 18, at Julien Lucius, 10. Ang kanilang pangatlong anak na si Yan (o Seth, ayon sa ilang ulat), 15 taong gulang, ay nakaligtas ngunit nagtamo ng matinding sugat at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, isa sa mga posibleng sanhi ng sunog ay ang cellphone na naiwan umanong naka-charge habang natutulog ang buong pamilya. Bagaman patuloy pa rin ang pagsusuri, nagbigay na ng babala ang mga awtoridad hinggil sa panganib ng pag-iiwan ng mga electronic devices na nakasaksak habang walang taong nakabantay.
Ang trahedyang ito ay hindi lamang isang ulat-balita; isa itong panawagan sa ating lahat. Sa panahong halos hindi na maihiwalay ang ating mga k**ay sa cellphone, nakakalimutan nating ang teknolohiya ay may kaakibat na responsibilidad. Marami sa atin ang sanay nang matulog habang naka-charge ang ating mga gadget sa tabi ng k**a, isang simpleng gawi na maaaring maging sanhi ng trahedya.
Hindi matatawaran ang bigat ng pagkawala ng pamilyang Caluag, lalo na kay Gng. Maricel Caluag na kinikilala bilang huwarang g**o isang inspirasyon sa kanyang mga mag-aaral at kasamahan. Sa kanilang mga pahayag, inilarawan siya bilang mapagmalasakit, mahinahon, at dedikado sa kanyang propesyon. “We will forever cherish the moments we shared and the lessons she so gracefully imparted,” ayon sa mga g**o at estudyante ng Molina Montessori at Bulihan Elementary School. Isang liwanag na hindi kailanman maglalaho sa mga pusong kanyang hinipo.
Dahil dito, mariing paalala ng mga awtoridad sa publiko: maging maingat sa paggamit ng kuryente at gadgets, lalo na sa gabi. Iwasan ang pagcha-charge ng cellphone habang natutulog. Bagaman tila maliit na bagay, maaari itong humantong sa malalang sakuna. Ugaliin ang ligtas na paggamit ng kuryente at laging maglaan ng oras upang i-double check ang mga appliances bago matulog.
Minsan, ang mga trahedya ay hindi natin mapipigilan ngunit may mga pagkakataong maaari nating maiwasan, kung tayo lamang ay magiging mas mapanuri at responsable sa ating mga gawi. Huwag na sanang madagdagan pa ang mga kwento ng pagdadalamhati. Maging aral nawa ito sa bawat tahanan.
Ang buhay ay isang mahalagang biyaya. Ingatan natin ito para sa ating sarili, para sa ating pamilya, at para sa kinabukasan.
-GalawangFrancisco
Photo Credits to the Owner