12/05/2025
𝐋𝐈𝐇𝐀𝐌 𝐍𝐆 𝐏𝐀𝐒𝐀𝐒𝐀𝐋𝐀𝐌𝐀𝐓
Mahal kong mga kababayan,
Sa bawat sigaw ng “TatTAN Sta. Maria!”, sa bawat yakap, palakpak, at dasal—ramdam na ramdam ko ang inyong pagmamahal. Kaya’t ngayon, buong puso kong ipinapaabot ang aking taos-pusong pasasalamat sa 7,780 na mamamayan ng Sta. Maria na buong tapang at tiwalang ibinoto ako bilang inyong mayor. Salamat po, mula sa kaibuturan ng aking puso.
Hindi naging madali ang laban. Isa itong paglalakbay na puno ng pagsubok, paninira, at pangungutya. Ngunit higit doon, ito’y naging paglalakbay ng pag-asa, pagkakaisa, at paninindigan—dahil sa inyo, sa bawat isang naniwala sa layunin ng Team Tan-Lagmay.
Bagamat hindi tayo pinalad na manalo sa posisyon, hindi dito nagtatapos ang ating laban. Ang puso ng tunay na lingkod-bayan ay hindi nakatali sa titulo, kundi sa tapat na hangaring maglingkod. Sa abot ng aming makakaya, magpapatuloy ang aming pagtulong—sa mga kabataan, sa mga magsasaka, sa mga pamilya ng Sta. Maria.
Sa mga volunteers, sa mga namuno sa ating grassroots movement, sa bawat pamilya at barangay na tumanggap sa amin—kayo ang tunay na bayani ng ating kampanya. Sa kabila ng lahat, hindi tayo nag-iisa. Tayo ay bahagi ng mas malawak na kilusan tungo sa tunay na pagbabago.
Ang pagkatalo ay pansamantala, pero ang malasakit natin sa Sta. Maria ay panghabambuhay.
Hanggang sa muli. Lalaban tayong muli. Magkita-kita tayong muli.
Nagpapasalamat at nagpupugay,
𝐊𝐫𝐢𝐬𝐭𝐨𝐟𝐟𝐞𝐫 “𝐓𝐨𝐩𝐞𝐫” 𝐓𝐚𝐧
𝑆𝑡𝑎. 𝑀𝑎𝑟𝑖𝑎, 𝐼𝑙𝑜𝑐𝑜𝑠 𝑆𝑢𝑟