22/03/2024
Minsan nakakapagod, ano? Lalo na pagpakiramdam mo katapusan na ng lahat. Kung ang nakikita mo ay puro kadiliman na lang. Nakakatakot diba? Ano kayang pwedeng gawin sa tuwing nasa ganitong pahina ng buhay?
Nagawa ko na kase ang huminga ng malalim at manalangin kaso mabigat pa rin. Ipinikit ko na rin ang aking mga mata at ninamnam ang yakap ng hangin sa akin kaso... masakit pa rin.
Minsan nakakapagod na rin mabuhay. Ang mga ganap kase, parang inuulit lang pero nabibigla ka pa rin at nasasaktan. Hindi na nasanay. Ano kayang pwedeng gawin kapag nasa ganitong pahina ng buhay? Nagawa ko na kase ang kainin lahat ng pagkain na sa tingin ko ay makakapagpakalma sa akin. Uminom na rin ako ng maraming tubig at sinamahan pa ng kapeng barako para naman tumapang ako kaso... wala pa rin.
Minsan sa sobrang pagal mo, nakakaidlip ka na lang. Mapaglaro ata ang buhay kase kahit sa panaginip mo, iyon pa rin ang tinatalakay. Ano kayang pwedeng gawin pag nasa ganitong pahina ng buhay? Tutulog sa tabi ng dagat habang pinapakinggan ang paghampas ng alon o ang tanawin ang kalikasan sa taas ng burol habang lumulubog ang araw? Kaya ba nitong pakalmahin ang aking pagkatakot. Kaya ba nitong papagpahingahin ang pagal kong puso.
—Janine