25/08/2025
ALAB NG BAYAN
“Ang mamatay nang dahil sa’yo”—hindi lamang mga salita, kundi panata na isinabuhay ng ating mga bayani. Sila’y nag-alay ng dugo at buhay upang buksan ang pinto ng kalayaan at bigyan tayo ng karapatang mamuhay nang may dangal. Sa paggunita ng Araw ng mga Bayani 2025, atin silang pinararangalan—mula sa mga kilalang pangalan ng kasaysayan hanggang sa mga tahimik na naglingkod para sa kapakanan ng bayan.
Subalit ang kanilang kabayanihan ay hindi nanatili sa mga pahina ng kasaysayan. Ito ay nabubuhay sa bawat magulang na nagsusumikap, sa bawat guro’t mag-aaral na patuloy na nag-aaral at nagtuturo, at sa bawat Pilipinong pinipiling unahin ang bayan bago ang sarili. Ang apoy ng kanilang sakripisyo ay hindi kailanman namatay—ito’y patuloy na nagliliyab sa ating mga puso.
Ngayon, tayo ang inaasahang magdala ng alab na ito tungo sa kinabukasan. Huwag nating hayaang mamatay ang diwa ng kabayanihan. Sa ating pagkakaisa, katapangan, at pagmamahal sa bayan, sama-sama nating itaguyod ang isang mas makatarungan, mas maunlad, at mas nagkakaisang Pilipinas.
Salita ni Katena Claire Salcedo
Larawan ni Jenhard Villegas