
25/08/2025
๐๐ก๐ ๐ช๐๐๐ ๐ก๐ ๐ ๐๐ ๐๐๐ฌ๐๐ก๐
ni: ๐๐ธ๐ข๐บ๐ฏ๐ฆ ๐๐ท๐ช ๐. ๐๐ช๐ฎ๐ข๐ด๐ข๐ฏ๐จ๐ข๐ญ
๐๐ช๐ต๐ฆ๐ณ๐ข๐ณ๐บ ๐๐ต๐ข๐ง๐ง
Nang hapong iyon, tanging banayad na kaluskos ng mga pahina ng aklat ang naririnig sa silid-aklatan. Nakaupo si Miguel sa isang mesang yari sa kahoy, may nakabukas na aklat ng kasaysayan sa kanyang harapan samantalang nasa paanan naman niya ang kanyang bag. Sinundan ng kanyang mga paningin ang pangalan nina Josรฉ Rizal, Andres Bonifacio, at Gabriela Silang na nakasulat nang madiin.
Kahit na ilang beses na niyang nakita ang kanilang mga larawan sa mga monumento, barya, at aklat, kakaiba ang kanyang naramdaman tila mga dayandang na gumugulo sa kanyang isipan, hindi mawala-wala.
Sinundan ng mga daliri ni Miguel ang larawan ni Rizal sabay sa pag-alala kung paano niya sinubukang gabayan ang bansa sa pamamagitan ng kanyang mga sinulat at kung paano niya ginising sa katotohanan ang puso ng mga Pilipino sa kanyang mga salita.
"Kung lumaban siya gamit ang wika, hindi ba't iisa lang din ang sandata niya at sa hawak kong pluma sa kasalukuyan na gamit ko tuwing ako'y nagsusulat o nagsasalita?" Napaisip si Miguel.
Sa kanyang isipan ay nakita niya si Bonifacio na nakataas ang kanyang bolo at parang naririnig niya ang kanyang boses na gumigising sa mga matatapang na Katipunero. Bukod sa pagiging maralita at hindi iskolar sa Europa, siya ay walang pag-aalinlangang pinaglaban ang kalayaan. Tulad ng sariling ama ni Miguel, na isa lamang pangkaraniwang taong naghahanap-buhay na higit sa nakatakdang-oras. Nakita niya na ang kagitingan ni Bonifacio ay nag-ugat sa kanyang pagmamahal sa bayan, na siyang naghubog sa kung ano tayo ngayon.
Pagkatapos ay dumating si Gabriela Silang, na tumindig laban sa pang-aapi habang nakasakay sa kanyang kabayo. Naalala ni Miguel kung paano tumulong ang kanyang ina na kumita ng pera sa pamamagitan ng pagpupuyat sa pananahi ng mga damit para sa pamilya at sa iba pa. Bagama't hindi siya heneral na tulad ni Gabriela na namamahala sa isang tunggalian, ngunit hindi ba't tulad ni Gabriela ang kanyang ina ay namamahala sa paglaban sa gutom, kahirapan, at kawalan ng pag-asa?
Mas nakita at naunawaan niya ang kasalukuyan habang pinagninilayan niya ang nakaraan. Natuklasan niya na ang mga gawa ng mga bayani na nakatala sa kanyang aklat ay maihahambing sa mga bagay at tao sa kanyang paligid, sa kasalukuyan niyang mundo. Kahit naging alikabok ang tisa, nanatili ang kanyang g**o sa maingat na pagpapaliwanag sa mga bata. Ang mga pamilya ngayon ay may kanin sa kani-kanilang hapag dahil sa mga magsasaka, na ang pagkubkob sa araw ay naging posible. Ang nars sa mga pagamutan na araw-araw namumugto ang mga mata ngunit patuloy na ngumingiti para magbigay ng pag-asa sa mga pasyenteng nahihirapan, kahit sila pa mismo ay nakararanas din pagod.
"Mga bayani rin sila." Bulong ni Miguel habang nag-aalab ang init sa kanyang dibdib.
"Iba't ibang laban, ngunit iisang diwa."
Bagama't batid ni Miguel na ang mga salita ay sandata ni Rizal, naramdaman niya ang bigat ng sariling kuwaderno sa kanyang bag nang muli niyang sinulyapan ang larawan ng mukha ni Rizal na nakalimbag sa pahina.
May nangyari sa kanya.
Hindi ba niya muling sisindihan ang alab na sinimulan ni Rizal sa tuwing sumusulat siya sa Filipino at ipinagmamalaki ang paggamit ng kanyang sariling wika?
Sa nag-aalinlangan na hangin, ang mga bayani ng nakaraan ay hindi naglaho. Hangga't ang mga Pilipino ay patuloy na umaawit, nagkukuwento, at nagsasalita, ang kanilang mga tinig ay patuloy na maririnig. Ang kanilang katapangan ay mamumulaklak kapag ito ay makatagpo ng bagong tahanan, sa tahanan ng mga pangkaraniwang taong nakikibaka sa pang-araw-araw.
Maingat na isinara ni Miguel ang kanyang libro nang hapong iyon habang ang liwanag sa silid-aklatan ay kumupas hanggang sa paglubog ng araw. Napagtanto niya sa unang pagkakataon na ang araw ng mga bayani ay higit pa sa isang araw ng paggunita bagkus ito ay nagsisilbing paalala upang makita ang mga bayaning nabubuhay pa rin sa pamamagitan ng pagpapanatili ng diwa at wikang nagbuklod at patuloy na bumubuklod sa atin.
Isang mahinang bulong, bulong ng tila isang panata:
"Ang iyong pakikibaka ay nabubuhay sa akin ngayon."
๐จ: ๐๐ข๐ฎ๐ฆ๐ด ๐๐ข๐ณ๐บ๐ญ๐ญ ๐๐ข๐ฏ๐ข๐ญ๐ฐ๐ฏ
๐๐ฆ๐ข๐ฅ ๐๐ข๐บ๐ฐ๐ถ๐ต ๐๐ณ๐ต๐ช๐ด๐ต