07/11/2025
BAGYONG “UWAN,” POSIBLENG PUMASOK NG PAR MAMAYANG GABI O BUKAS—PAGASA
Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa publiko na maging handa sa posibleng pagpasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ng bagyong may international name na Fong-Wong na tatawaging “Uwan” kapag pumasok na sa bansa.
Ayon kay Gemalyn Lappay ng PAGASA-Northern Luzon Regional Services Division, papasok ng PAR ang bagyo mamayang gabi o bukas ng umaga, Nobyembre 8, 2025, bilang isang Typhoon. Posible pa umano itong lumakas at umabot sa Super Typhoon category pagsapit ng Sabado.
Inaasahan na rin aniya na maglalabas ng Tropical Cyclone Wind Signal mamayang hapon sa mga lugar na direktang maaapektuhan ng bagyo.
Sinabi rin ni Lappay na sa Linggo, Nobyembre 10 mararamdaman na ang pag-ulan at malalakas na bugso ng hangin sa Northern at Central Luzon bilang epekto ng paparating na bagyo.
Sa ngayon, hindi pa mabatid ng naturang tanggapan kung saang lugar posibleng maglandfall ang sentro ng bagyo pero pinag-iingat na ang lahat dahil malawak ang nasasakupan nito, kaya kailangang maging handa ang mga mamamayan.
Huling namataan ngayong umaga ang bagyo sa layong 1,325 km silangan ng Visayas, taglay ang lakas ng hangin na 100 km/h malapit sa gitna at 125 km/h naman ang pagbugso. Kumikilos ito pakanluran hilagang-kanluran sa bilis na 20 km/h at lumakas pa bilang Severe Tropical Storm kaninang madaling araw.
Wala pa itong direktang epekto sa bansa, subali’t ang Hanging Amihan ay patuloy na nagdudulot ng maulap na panahon at mga pag-ulan sa Cagayan at mga karatig-probinsiya ngayong Biyernes.(Digna Bingayen)