07/09/2025
₱15.7 MILYONG HALAGA NG SMUGGLED CI******ES NASAMSAM SA JOINT OPERASYON NG PNP AT BUREAU OF CUSTOMS
Matagumpay na naharang ng Philippine National Police (PNP), sa pakikipagtulungan sa Bureau of Customs, ang dalawang trak na naglalaman ng smuggled na sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng ₱15.7 milyon sa Cotabato noong Setyembre 4, 2025. Naganap ang operasyon bandang 1:30 ng hapon sa Panatan Border Checkpoint, Pigcawayan.
Natuklasan na ang mga nasabing sasakyan, isang orange na Mitsubishi Fuso at isang blue na Mitsubishi Fuso, ay puno ng 400 kahon o 20,000 reams ng Fort at Berlin brand na sigarilyo. Anim na suspek—na kilala sa alyas na “Karl,” “Joy,” “Mike,” “Rods,” “Antoy,” at “Roy”—ang naaresto at kasalukuyang nasa kustodiya ng Pigcawayan Municipal Police Station.
Ang mga nakumpiskang sigarilyo ay binilang sa mismong lugar sa harap ng mga opisyal ng barangay at media upang matiyak ang malinaw na proseso. Ito ay opisyal na isusumite sa Bureau of Customs para sa tamang dokumentasyon. Ang mga inarestong suspek ay haharap sa kaso sa ilalim ng Republic Act No. 10863 (Customs Modernization and Tariff Act), Graphic Health Warning Law, at Republic Act No. 12022 tungkol sa Agricultural Economic Sabotage.
Pinuri ni Acting Chief PNP PLTGEN Jose Melencio C. Nartatez Jr. ang mabilis na aksyon ng mga operatiba at ang tulong ng Bureau of Customs at lokal na opisyal. Binigyang-diin niya ang patuloy na pagsisikap ng PNP na protektahan ang publiko at ang ekonomiya laban sa mga ilegal na gawain.
“Nawa'y magsilbing malinaw na babala ito sa lahat ng nagnanais lumabag sa batas. Ang smuggling, economic sabotage, at iba pang krimen ay hindi kaylan man natin papayagan. Kasama ng ating mga katuwang na ahensya, titiyakin ng PNP na papanagutin ang mga lumalabag sa batas,” wika ni PLTGEN Nartatez.
Ang matagumpay na operasyon na ito ay patunay ng patuloy na pagsusumikap ng PNP na pangalagaan ang mga komunidad at ang pambansang interes ng ekonomiya.