26/05/2025
BARANGAY KAPITAN, 2 KAGAWAD PATAY SA PAMAMARIL SA SALITRAN 3, DASMARIÑAS CITY, SK SECRETARY, KRITIKAL. SUSPEK NA DATING TANOD, NAGBARIL SA SARILI, PATAY
Patay ang barangay chairman at dalawang konsehal habang nasa kritikal na kondisyon ang Sangguniang Kabataan (SK) secretary matapos pagbabarilin ng isang dating barangay kagawad sa gitna ng flag ceremony sa Barangay Salitran, Dasmariñas City, Cavite nitong Lunes, Mayo 26.
Kinilala ng pulisya ang mga nasawi na sina Raul Atarde Ballos, 56, barangay chairman; Jose Lagones, 65, konsehal; at Marvin Cañete, 54, konsehal. Samantalang ginagamot at nasa kritikal na kalagayan sa ospital ang SK secretary na si Christine Joseph Bonus.
Ayon kay Police Lt. Colonel Regino Oñate, officer-in-charge ng Dasmariñas City Police, lumapit ang suspek na si “Ariel,” 50-anyos, isang dating barangay tanod, sa likuran ni Chairman Ballos at binaril ito. Pagkatapos ay pinaputukan rin niya sina Lagones at Cañete, bago nito pinutukan ang sarili.
Agad na isinugod sa ospital ang mga biktima at ang suspek, ngunit idineklarang dead on arrival ang apat maliban kay Bonus.
Inutos ni Regional Director PBGen. Paul Kenneth Lucas ang masusing imbestigasyon sa insidente upang matukoy ang motibo at mapanagot ang may sala.
Ito na ang pangalawang malalang insidente ng pamamaril sa lalawigan sa loob lamang ng dalawang araw.
Una na rito noong Sabado, kung saan isang 48-gulang na tagasuporta ng alkalde ng Naic, Cavite ang pinatay sa harap ng kanyang bahay, at ito umano ay may kaugnayan sa banta dahil sa nakaraang eleksyon.