04/03/2023
Delubyo
ni Dhane Manuel Lonzaga
Hindi ko inaasahang darating sa punto
Na mapapatulala ako at aking mapagtanto,
Sa mundong ito ano nga ba papel ko
Saan ba ang punta saan ba ako patungo.
Maraming mga bagay kumakatkat sa isipan
Samo't saring agam-agam gabundok na katanungan,
Nakatanaw sa malayo, nakatingin sa kawalan
Pilit mang arukin wala pa ring kasagutan.
Sa pedestal na ito na aking kinalakhan
Mas maraming unos at pighati ang naranasan,
Nauuntog, nadadapa, binabato, nasasaktan
Mga pasakit na tila ba walang katapusan.
Palaging nag-iisa yan ang aking pakiramdam
Nalulugmok, nalulunod ngunit walang makapitan,
Walang kamay na aagapay, ni masasandalan man lang
Hanggang kailan makakayanan, Diyos lang ang may alam.
Oh, Panginoon ko ano ba ang nagawa ko?
Ano ba ang dahilan, sinapit ko ang ganito,
Di naman ako nagkulang sa kapwa ko tao
Minahal sila subalit tinalikuran pa rin ako sa dulo.
Darating din ang panahon matatapos din ito
Masisilayan din ang araw, pagkatapos ng bagyo,
Hiling ko lang Diyos Ama, yakapin mo ako
Patatagin mo pa ako sa bawat delubyo...
--end