
16/07/2025
SAVINGS SA BANGKO, MAY 20% TAX NA
Nagsimula nang ipataw ng ilang bangko ang 20% Final Withholding Tax (FWT) sa mga time deposit at peso bond, matapos maging epektibo ang Republic Act 12214 o ang Capital Markets Efficiency Promotion Act (CMEPA), noong July 1.
Sa isang pahayag, kinumpirma ng Security Bank at UnionBank na nagsimula na silang ipatupad ang pagpapataw ng 20 porsyentong buwis sa lahat ng long-term deposits at investments, sa unang araw ng buwan.
Samantala, tinututulan naman ng ilang grupo ang bagong polisiya dahil malulugi umano rito ang mga depositor. Sa ilalim kasi nito, bubuwisan ng 20% ang kikitain ng mga tao mula sa kanilang “savings” na karaniwang hanggang 6 na porsyento lamang ang interes kada taon.
Ibig sabihin, kung ang isang tao ay may nakalagak na PHP 100,000 sa bangko, at kikita ito ng PHP 6,000 sa loob ng isang taon batay sa kasalukuyang 6% annual interest rate, mababawasan ng PHP 1,200 ang kinita nitong interes dahil sa bagong polisiya.