03/05/2025
ISANG TAON AT KALAHATI NA PALA SIMULA NUNG INIWAN KO ANG CORPORATE JOB KO PARA SA FREELANCING
Halos isang dekada rin akong nagtrabaho sa industriya na sobra kong minahal — to the point na tiniis ko ang mababang sweldo, office politics, at mga pangakong napako. Grabe rin ang pasasalamat ko sa mga naging experience at exposure ko sa kanila, pero sa totoo lang, ang hirap maging parte ng working class sa Pilipinas. Parang ang hirap umasenso, lalo na kung sunod-sunod ang problema sa buhay. Kaya dumating ako sa point na napaisip talaga ako: “Ano pa bang ibang paraan para maging stable ang buhay?”
Dito pumasok ang freelancing.
Laging kadikit ng salitang ‘freelancing’ ang Work from Home setup. Tapos, halos automatic na ang iniisip ng mga tao — VA (Virtual Assistant). Noong una, parang ang hirap pasukin. Kaliwa’t kanan ang mga paid trainings, lahat may pangakong “6-digit income kada buwan” o “Hindi ka matatanggap kung wala kang experience.” Technically, may point naman sila. Pero sa totoo lang, nakakapanlambot din ng loob kasi ang hirap mag-commit, lalo na kung may full-time corporate job ka pa.
Pero darating talaga yung moment na kailangan mong sumugal — dahil gusto mo na ng pagbabago. Ako, gusto kong mas makasama ang pamilya ko, lalo na ang newborn daughter ko. Gusto ko, nandun ako habang lumalaki siya. Isa pa, hindi sapat ang iisang source of income sa dami ng bayarin. Kaya pinasok ko ang freelancing.
Pero hindi ako agad tumalon sa VA role. Ang iniisip ko: “Ito na ba talaga ‘yun? VA din ba ako?” Dahil ang totoo, ang dami nang pumasok sa field na ‘to. Baka oversaturated na, at bumaba na rin ang rates. Kaya nag-research pa ako nang mas maige
Dito ko nadiskubre ang onlinejobs(.)ph. Noong una, hindi ako convinced na legit — lalo na’t may mga scam din na nagkalat. Pero sa dami ng job posts at categories (hindi lang VA — may IT, bookkeeping, admin, etc.), nakita kong may potential talaga. Inaral ko kung paano makipag-usap sa foreign clients, paano gumawa ng maayos na resume, at paano ibenta ang sarili ko sa mga hiring managers.
Pagkatapos ng dalawang buwan, nakuha ko ang una kong client bilang Project Manager para sa isang luxury travel & tours business. That was the turning point. I let go of my corporate job and fully embraced the work-from-home life.
Pero syempre, hindi lahat perfect.
Wala akong HMO, SSS, PhilHealth. Wala ring security — anytime, puwedeng mawala ang client mo. Kahit may kontrata kayo, wala namang enforceable power dito sa Pilipinas dahil nasa ibang bansa sila. At yun nga ang nangyari. Dahil sa restructuring sa company niya, tinanggal ako. Nag-offer pa akong ibaba ang rate ko, pero hindi na raw kaya.
Bumalik ako sa pag-aapply. OnlineJobs, LinkedIn — tinry ko lahat. Hanggang sa may nag-refer sa akin sa isang US-based IT company, at doon ako ngayon nagtratrabaho. Sobrang thankful ako, kasi hindi lahat nabibigyan ng ganitong opportunity.
Ngayon, iba na ang takbo ng freelancing world. Hindi na totoo ang guaranteed 6-digit income sa isang client. Marami na rin ang pumapayag sa sobrang baba ng rates kapalit lang ng experience.
Pero kahit mahirap, hindi pa rin nauubos ang opportunities.
At itong workstation na pinost ko, paalala ito sa akin na may mga kumpanya pa ring nagtitiwala sa kakayahan ng mga Pilipino.
Kung isa ka rin sa gustong magsimula sa freelancing, tandaan mo lang:
Research. Prepare. Take the risk. Trust the process.
゚