10/10/2025
GOV. VILMA SANTOS-RECTO, PINAIIMBESTIGAHAN SI DPWH REGIONAL DIRECTOR JOVEL MENDOZA DAHIL SA MGA OVERPRICED NA PROYEKTO
Patuloy na pinaiimbestigahan ngayon ni Batangas Governor Vilma Santos-Recto ang mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Regional Office sa pangunguna ni Regional Director Jovel G. Mendoza, matapos umanong matuklasan na may mga proyektong ipinatupad sa lalawigan nang hindi dumaan sa koordinasyon ng mga lokal na opisyal tulad ng mga Mayor, Congressman at sa Kapitolyo na sinasabing posibleng labis ang presyo kumpara sa aktwal na halaga sa merkado.
Ayon sa ulat na ipinaabot sa tanggapan ng Gobernadora, ilang proyekto ng DPWH sa Batangas ang nakapagtala ng hindi pangkaraniwang mataas na presyo, kabilang ang mga Cat’s Eye road markers na umabot umano sa ₱24,000 kada piraso sa District 1 ng Batangas, solar streetlights na nagkakahalaga ng ₱233,000 bawat isa, at slope protection projects na aabot sa ₱45,000 bawat square meter.
Batay sa pagsusuri ng provincial government, doble hanggang limang beses ang taas ng halaga ng mga proyektong ito kumpara sa karaniwang presyo sa merkado. Dahil dito, agad na iniutos ni Governor Vilma Santos-Recto ang pagsasagawa ng malalimang beripikasyon at audit upang matukoy kung may naganap na iregularidad sa implementasyon ng mga proyekto.
Sa pahayag ng Gobernadora, sinabi niyang ikinagulat ng Kapitolyo ang pagkakaroon ng mga proyektong hindi man lamang dumaan sa koordinasyon ng mga lokal na opisyal — kabilang ang mga alkalde, kongresista, at maging ang kanyang tanggapan.
“Nagulat na lang kami na may mga proyektong ipinatutupad sa Batangas na hindi man lang ipinapaalam o kinokonsulta sa amin. Dapat malinaw ang proseso, lalo na’t pera ng taumbayan ang ginagamit,” ani ni Gov. Recto.
Kaugnay nito, pinag-aaralan na ng Provincial Legal Office ang paghahain ng pormal na reklamo laban sa mga opisyal ng DPWH Regional Office upang masuri ng Ombudsman at ng DPWH Central Office ang naturang mga proyekto.
Dagdag pa ni Governor Recto, hindi siya tutol sa mga proyektong pambansa, subalit mahalagang tiyakin na transparent, maayos, at kapaki-pakinabang ang mga ito para sa mga mamamayan.
“Ang bawat proyekto ay dapat dumaan sa tamang proseso at may pananagutan ang sinumang opisyal na mapatunayang lumabag. Responsibilidad nating tiyakin na ang buwis ng mamamayan ay nagagamit sa tama,” diin ni Gov. Recto.
Sa ngayon, patuloy ang pagkalap ng ebidensya at mga dokumento upang malaman ang lawak ng posibleng anomalya sa mga proyektong pinondohan ng DPWH sa Batangas. Ang hakbang na ito, ayon sa Gobernadora, ay bahagi ng kanyang paninindigang ituloy ang laban para sa tapat at makataong pamamahala sa lalawigan.