21/03/2025
Turn-over ng Bagong Multi-Purpose Building sa San Isidro, Leyte, Pinangunahan ni Leyte 3rd District Congresswoman Atty. Anna Victoria Veloso-Tuazon
San Isidro, Leyte — Pinangunahan ni Leyte 3rd District Congresswoman Atty. Anna Victoria Veloso-Tuazon ang pormal na turn-over ng 2-storey na multi-purpose building (MPB), kahapon, March 20, 2025 malapit sa Barangay Basud Elementary School, San Isidro, Leyte.
Ayon kay Tuazon, ang MPB ay itinayo upang magamit ng mga mag-aaral, magulang, at iba pang stakeholders sa pagpapalakas ng sekondaryang edukasyon, pagpapabuti ng kalidad ng pagkatuto, at pagpapatibay ng pagkakaisa sa komunidad. Maglilingkod ito sa mga residente ng mga Barangay Banat-i, Basud, at Biasong.
Ang pondo para sa proyekto ay nagmula sa local infrastructure funding ng tanggapan ng kongresista at ipinatupad ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Bukod dito, isiniwalat din ni Tuazon na kasalukuyang ipinatutupad ng DPWH ang isang flood control project sa katabing lugar upang tugunan ang problema sa pagbaha. Hiniling din niya sa ahensya na dagdagan ito ng nature-based solutions, tulad ng pagtatanim ng mga bakawan, kawayan, at katutubong puno, upang magkaroon ng mas epektibong pangmatagalang solusyon sa pagbaha.
“Ang ganitong mga proyekto ay mahalaga hindi lamang para sa edukasyon kundi para rin sa seguridad at kaligtasan ng ating komunidad,” ani Tuazon.
Ang inisyatibang ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan upang mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga mamamayan ng Leyte.