05/01/2026
𝐁𝐀𝐋𝐈𝐓𝐀: May bagong linya ang imbestigasyon sa bangkay na natagpuan sa Basud matapos magsalita ang isang tricycle driver at isang bus conductor.
Ayon sa pulisya, parehong kusang lumantad ang dalawang saksi matapos mapansin sa social media ang mga ulat tungkol sa malaking itim na kahon na may kaugnayan sa insidente. Inilahad ng tricycle driver na inupahan siya madaling-araw upang maghatid ng kahon na inakala niyang ordinaryong bagahe lamang, habang ang bus conductor naman ay nagbigay ng detalye kung paano isinakay ang kahon sa bus mula sa Turbina Terminal.
Kapwa iginiit ng mga saksi na wala silang kaalaman sa tunay na laman ng kahon at handa silang makipagtulungan sa mga awtoridad para sa ikalilinaw ng kaso.
Patuloy na mino-monitor ng Camarines Norte Police Provincial Office ang imbestigasyon at nananawagan sa publiko na magbigay ng anumang impormasyong makatutulong sa pagkilala sa biktima at sa mga responsable sa krimen.
📸Source: CNPPO – Pulis Bantayog