01/05/2025
Ngayong Pandaigdigang Araw ng Manggagawa ay binibigyang kilala natin ang pangunahing lakas ng bansa– ang mga taong inialay ang kanilang lakas panggawa upang magpatuloy ang produksyon. Mga manggagawa na bukod sa pagtatrabaho ay patuloy na lumalaban sa mapaniil na estadong pilit kinukulong ang mga mamamayan nito sa kahirapan.
Bagamat sila ang rason kung bakit patuloy na lumalago ang ekonomiya, salat na salat ang tulong na ibinibigay ng pasistang estado at mga gahamang kapitalista sa kanila. Sa taas ng mga bilihin gawa ng inflation, pilit na pinagkakasya ng mga mamamayang Pilipino ang kakarampot na 645 pesos per day na minimum wage. Bukod pa rito, hindi nasisigurado ang benepisyo ng mga manggagawa dahil sa kanilang mga status na kontraktwal bagamat matagal nang namamasukan sa trabaho.
Kaisa ang The UPLB Jocks sa mga panawagan ng ating mga manggagawa: Kamtin ang 1,200 pesos na nakabubuhay na national minimum wage, kaakibat ng pagbaba rin ng mga presyo ng mga bilihin; Pagkalampag kay Marcos na i-certify bilang urgent ang 200 peso-wage bill sa kongreso upang mai-lagda na ito bilang batas; Wakasan ang kontraktwalisasyon na trinatratong disposable na mga alipin ang mga manggagawa; Ipagtanggol ang mga karapatan sa pag-uunyonat pag–welga; At pagtigil sa crackdown at red-tagging na ginagawa laban sa mga lider ng mga unyon at mga aktibista-manggagawa na hangad lang naman ay pagkamit ng mga pangunahing karapatan ng mga totoong hari ng produksyon.
Dumalo at maki-hanay ngayong araw ng manggagawa! Labanan ang mga dulot ng neoliberal na mga patakaran, korapsyon, sabwatan ng pasistang estado at malalaking burgesyang kapitalista!
1,200 NATIONAL MINIMUM LIVING MINIMUM WAGE, IPAGLABAN! SAHOD ITAAS PRESYO IBABA!