13/08/2025
FEATURE| GUHIT NG HINALA
Isang guhit lang ang pagitan ng pagiging henyo at pagiging akusado.
Sa panahon kung saan mabilis ang teknolohiya at sa panahong ang kanilang mga mata’y mas mabilis humusga kaysa umunawa, isang simpleng bantas ang naging sentro ng kontrobersiya. May mga bagay na nagiging masama hindi dahil sa sarili nitong kasalanan, kundi dahil sa maling paniniwala ng tao. Paniniwalang may mabilis na mata, at utak na ayaw magtanong.
Sa mundo ng pagsulat, may mga bantas na parang tahimik na magiting ¬—walang pangalan, walang mukha, ngunit matagal nang nakatayo sa pagitan ng kaguluhan at kahulugan. Matagal nang kaibigan ng mga manunulat ang em dash (—), tahimik itong nakatira sa pagitan ng mga kaisipan—isang tulay ng hininga, isang pahinga na hindi hinihingi pero kailangan.
Tahimik siyang dumadalaw sa gitna ng mga pangungusap, hindi nang-iistorbo, hindi humihingi ng pansin—isang simpleng tulay ng paghinto at paghinga. Sa unang tingin, walang kakaiba, hindi kasing kinang ng tandang padamdam, hindi kasing pormal ng tuldok. Pero para sa ilan, ito ay marka ng isang kasalanang hindi mo namamalayan. Isang marka na, sa sandalling makita, ay sapat na para husgahan ang buong akda bilang gawa ng makina.
Sa malikot na isip ng mambabasang mabilis magparatang ng hatol, sa panahon ng mabilisan, ang isang guhit na ito’y naging mantsa sa larangan ng panitikan. Sa isang iglap, tinuring itong tanda ng pandaraya, kasangkapan daw ng makina, patunay na gawa ng artipisyal na intelihensiya.
Sa mga silid-aralan, sa mga opisina, at maging sa social media, may mga manunulat na pinagdudahan ang sariling gawa dahil sa presensya ng em dash (—). Isang gabi sa ilalim ng dilaw na ilaw ng lampara, may manunulat na kumapit sa tasa ng kape habang paulit-ulit na inuukit ang kaniyang saloobin sa papel. Walang kinopya, walang hiniram na utak—tanging puso at sariling alaala. Isang hatol. Isang guhit, na sapat na para burahin ang dugo’t pawis ng isang may akda.
Ngayon, sa kamay ng maling hinala, ang em dash ay sugat, peklat na walang kasalanan, ngunit tinatablan ng pagdududa.
Nakalulungkot. Dahil ang bantas ay walang kakayahang magpataw ng sala. Ginawa lamang nitong hatiran tayo ng hinto, para marinig ang tinig ng ideya. Ngunit binahiran ito ng takot, ng duda, ng panghuhusga.
At sa isang guhit lang, nahati hindi lang ang pangungusap, kundi pati dangal ng manunulat. At marahil, sa bawat manunulat na pinagdudahan dahil dito, may isang pusong unti-unting tinanggalan ng lakas ng loob. Hindi dahil kulang sa talento, kundi dahil may lipunang mas mabilis maghanap ng marka ng kasalanan, kaysa pakinggan ang diwa ng akda.
Bantas lang ba ang tinitingnan mo, o ang kaluluwa ng isinulat?
Artikulo ni: Shiela Magno
Layout ni: KC Flores