05/02/2024
Mga Kawikaan 31 Mga Kawikaan ng Ina ni Haring Lemuel
Mga Kawikaan 31:1 Ito ang mga payo ni Haring Lemuel ng Massa, mga kawikaang itinuro ng kanyang ina.
Mga Kawikaan 31:2 “Mayroon akong sasabihin sa iyo anak, na tugon sa aking dalangin.
Mga Kawikaan 31:3 Huwag mong uubusin sa babae ang lakas mo at salapi, at baka mapahamak kang tulad ng ibang hari.
Mga Kawikaan 31:4 Lemuel, di dapat sa hari ang uminom ng alak o matapang na inumin.
Mga Kawikaan 31:5 Kadalasan kapag lasing na sila'y nalilimutan na nila ang matuwid at napapabayaan ang karapatan ng mga taong naghihirap.
Mga Kawikaan 31:6 Ang alak ay ibigay mo na lamang sa nawawalan ng pag-asa at sa mga taong dumaranas ng matinding kahirapan.
Mga Kawikaan 31:7 Hayaan silang uminom upang hirap ay malimutan, at kasawia'y di na matandaan.
Mga Kawikaan 31:8 “Ipagtanggol mo ang mga di makalaban, ipaglaban ang kanilang karapatan.
Mga Kawikaan 31:9 Ipahayag mo nang malinaw ang katotohanan at ang katuwiran, at igawad ang katarungan sa api at mahirap.”
Mga Kawikaan 31:10 Mahirap makakita ng mabuting asawa, higit sa mamahaling alahas ang kanyang halaga.
Mga Kawikaan 31:11 Lubos ang tiwala ng kanyang asawa, at saganang pakinabang ang makakamit niya.
Mga Kawikaan 31:12 Pinaglilingkuran niya ang asawa habang sila'y nabubuhay, pawang kabutihan ang ginagawa at di kasamaan.
Mga Kawikaan 31:13 Wala siyang tigil sa paggawa, hindi na halos nagpapahinga, humahabi ng kanyang telang lino at lana.
Mga Kawikaan 31:14 Tulad ng isang barkong puno ng kalakal, siya ay nag-uuwi ng pagkain mula sa malayong lugar.
Mga Kawikaan 31:15 Bago pa sumikat ang araw ay inihahanda na ang pagkain ng buo niyang sambahayan, pati na ang gawain ng mga katulong sa bahay.
Mga Kawikaan 31:16 Mataman niyang tinitingnan ang bukid bago siya magbayad, ang kanyang naiimpok ay ipinagpapatanim ng ubas.
Mga Kawikaan 31:17 Gayunma'y naiingatan ang kamay at katawan upang matupad ang lahat ng kanyang tungkulin araw-araw.
Mga Kawikaan 31:18 Sa kanya'y mahalaga ang bawat ginagawa, hanggang hatinggabi'y makikitang nagtitiyaga.
Mga Kawikaan 31:19 Siya'y gumagawa ng mga sinulid, at humahabi ng sariling damit.
Mga Kawikaan 31:20 Matulungin siya sa mahirap, at sa nangangailanga'y bukás ang palad.
Mga Kawikaan 31:21 Hindi siya nag-aalala dumating man ang tagginaw, pagkat ang sambahayan niya'y may makapal na kasuotan.
Mga Kawikaan 31:22 Gumagawa siya ng makakapal na sapin sa higaan at damit na pinong lino ang sinusuot niya.
Mga Kawikaan 31:23 Ang kanyang asawa'y kilala sa lipunan at nahahanay sa mga pangunahing mamamayan.
Mga Kawikaan 31:24 Gumagawa pa rin siya ng iba pang kasuotan at ipinagbibili sa mga mangangalakal.
Mga Kawikaan 31:25 Marangal at kapita-pitagan ang kanyang kaanyuan at wala siyang pangamba sa bukas na daratal.
Mga Kawikaan 31:26 Ang mga salita niya ay puspos ng karunungan at ang turo niya ay pawang katapatan.
Mga Kawikaan 31:27 Sinusubaybayan niyang mabuti ang kanyang sambahayan at hindi tumitigil sa paggawa araw-araw.
Mga Kawikaan 31:28 Iginagalang siya ng kanyang mga anak at pinupuri ng kanyang kabiyak:
Mga Kawikaan 31:29 “Maraming babae na mabuting asawa, ngunit sa kanila'y nakahihigit ka.”
Mga Kawikaan 31:30 Mandaraya ang pang-akit at kumukupas ang ganda, ngunit ang babaing gumagalang at sumusunod kay Yahweh ay pararangalan.
Mga Kawikaan 31:31 Ibigay sa kanya ang lahat ng parangal, karapat-dapat siya sa papuri ng bayan.