07/11/2025
DILG, IPINAG-UTOS ANG SAPILITANG PAGLIKAS SA MGA HIGH-RISK AREAS BAGO DUMATING ANG BAGYONG “UWAN”
inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng local government units (LGUs) na tapusin ang mandatory evacuation ng mga residente sa mga lugar na itinuturing na high-risk sa baha at landslide bago pa man ang inaasahang pag-landfall ng severe tropical storm Fung-Wong, na papangalanang “Uwan” pagpasok nito sa Philippine Area of Responsibility (PAR).
Ayon sa DILG, hindi dapat hintayin ng mga lokal na opisyal na lumala pa ang lagay ng panahon bago ilikas ang mga residente.
“Hindi tayo puwedeng maging kampante. Ang susunod na 48 oras ay kritikal sa paghahanda,” ayon sa pahayag ng DILG.
Sa 11 a.m. bulletin ng PAGASA, huling namataan ang bagyong Fung-Wong sa layong 1,690 kilometro silangan ng hilagang-silangang Mindanao, taglay ang hangin na 75 kilometro bawat oras at pagbugsong aabot sa 90 kph.
Inaasahang papasok ang bagyo sa PAR bago maghatinggabi ng Biyernes o sa unang oras ng Sabado. Pagkapasok, inaasahang lalakas ito bilang typhoon sa Biyernes ng gabi at posibleng maging super typhoon pagsapit ng Sabado.
Batay sa pagtataya ng state weather bureau, posibleng mag-landfall ito sa Northern o Central Luzon sa Lunes.
Pinayuhan ng DILG ang mga LGU na tiyakin ang sapat na suplay, kuryente, at mga tauhan sa evacuation centers. Inatasan din ang mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng suspension sa biyahe sa dagat, outdoor tourism, at recreational activities sa mga lugar na posibleng daanan ng bagyo.
Kasama rin sa direktiba ng kagawaran ang pag-deploy ng road-clearing teams at pagtiyak sa maayos na access routes para sa emergency at relief operations.
Nagbabala naman ang PAGASA na lalala ang lagay ng panahon sa silangang bahagi ng Luzon pagsapit ng Linggo, kung saan inaasahan ang malalakas na hangin, matinding pag-ulan, at mapanganib na kondisyon sa baybayin. Posible rin ang storm surge at coastal flooding, at maaaring magtaas ng gale warning simula Sabado.
“Manatiling alerto, makinig sa mga abiso ng awtoridad, at makipagtulungan sa mga lokal na opisyal para sa kaligtasan ng lahat,” paalala ng DILG.