22/06/2025
Mas masakit kapag tahimik.
Mas malalim ang sugat kung walang ingay, kung walang tunog, walang kaluskos, o kahit ngitngit. Mas mabigat kapag hindi sinasabi, kapag hinahayaang dumaloy na lamang sa dugo, paikot sa buong katawan, pabalik sa puso.
Mas masakit kung walang imik.
Kung inipon na lamang sa loob. Ibinaon sa limot, ibinalot sa salimuot, naghihintay sumabog. Mas delikado, nakakasunog ng pagkatao—unti-unting sisilaban ang pag-asa, tutupukin ang natitirang lakas para umusad na.
Mas masakit sa pagpikit.
Sa dilim, sa pag-iisa. Mas nakakalunod ang lalim ng gabi kung walang nasabi, kung kinimkim sa sarili, kung ganito palagi—tatahimik, ipanghihilamos ang luha hanggang maidlip, hanggang umaga’y sumapit,
hanggang sa hindi na masakit.
—
Ron Canimo
roncanimoph
MTAT Book: https://vt.tiktok.com/ZSNTw4s11/