20/08/2025
TINGNAN | Wikang Filipino bilang tulay ng pagboses, isinulong sa ‘Palihan’
Bilang pagbubukas ng Buwan ng Wika, idinaos ngayon ng FEU High School ang "Palihan para sa Wikang Pambansa at mga Katutubong Wika" na nakasentro sa usapin patungkol sa paggamit ng wika upang tugunan ang mga isyung pang-wika at mga problemang kinakaharap ng mga katutubong Pilipino.
Umikot ang programang may tema na “WIKAbuluhan: Tinig ng Katutubo, Diwa ng Bansa, Daan sa Pagkakaisa” sa pagbabahagi ng kasaysayan ng pambansang wika, mga pagbabago at balakid nito, kasabay ng paglalahad ng problema ng mga katutubong Pilipino sa mga lupaing kinukuha sa kanila.
Isinalaysay ni Assistant Professor Jonathan V. Geronimo mula sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman ang naging proseso ng wikang Filipino at tamang paggamit nito laban sa mga suliraning tulad ng pagbawas ng mga asignaturang Filipino sa kolehiyo at senior high school.
“Ngayon, mapapalaya ba tayo ng wika lang? Hindi, pero kung gagamitin natin ‘to sa pagkilos gaya ng karanasan nang tinanggal ‘yung Filipino sa college, kumilos tayo. Ngayon tinatanggal ang Filipino sa senior high, kumilos tayo,” ani Geronimo.
“So nagkakaisa tayo sa pamamagitan ng wika pero sa isang banda, sa pamamagitan ng wika, nagkakaroon din tayo ng isang malinaw na tunguhin at aspirasyong pambansa,” nauna pa niyang pahayag.
Binigyang pokus naman ni Community Educator at Indigenous Rights Advocate ng Liwanag at Dunong Project, Rocelle Maningning H. Vilog ang mga karanasan ng mga katutubong Pilipino na salat sa edukasyon at biktima ng agawan ng lupa para sa mga ipinapatayong impraestruktura sa bansa.
Ibinahagi ni Vilog mula sa pagtulong ng kanilang grupo noon sa isang katutubong grupo na nais ng mga ito na i-kuwento ang kulturang mawawala sa kanila sakaling kunin ang kanilang lupain sa pag-asa na makakuha ng suporta.
Sa pagtatapos ng programa, isang HumanisTAM ang naglahad ng kanyang nakuhang aral, “‘Yung simpleng pagkilala or acknowledgement natin, ‘yung pag-share natin sa social media ng kuwento ng ating mga katutubo, it’s a deep movement na para sa kanila.”
Kaugnay nito, sinundan ng “Kolaboratibong Sanaysay” ang programa sa hapon kung saan ibinida ng mga kalahok ang kanilang mga natutuhan sa pagtitipon sa pamamagitan ng isang paligsahan sa pagsulat ng sanaysay.
Samantala, nakatakdang maganap sa mga susunod na araw ng buwan ang mga aktibidad kaugnay sa pagdiriwang na inihanda ng kaguruan ng Humanities and Social Sciences strand.
Artikulo ni Veronica Tan
Mga kuha ni Charles Andrew Dolendo