12/06/2025
Isang daan at dalawampu't pitong taon na ang nakalilipas nang makamit ng mga Pilipino ang kalayaang inaasam matapos ang daan-daang taong pananakop at pag-aalipusta ng mga dayuhan. Hindi ito naging madali—iilang buhay ang inialay, ang dugong dinanak, at ang katapangang ipinamalas para lamang maangkin muli ang nararapat sa atin.
Pinaglaban ito ng ating mga ninuno hindi lamang para sa bansa, kundi para sa mga susunod na henerasyon.
Nasugpo man ang mga mananakop, nasugpo rin ba ang mga nang-aalipusta? Sa kanilang huling hininga, ang kasalukuyang estado ng ating bansa ba ang ginuhit ng ating mga bayani sa kanilang isipan? Masasabing malayo man tayo sa kapit ng mga banyaga, nakalulungkot isipin na ang kamay na lumaban para sa ating kalayaan ang siya ring papalit at aalipin sa atin.
Masahol ang Pilipinong inaalipin ang kapwa Pilipino, ngunit mas masahol ang Pilipinong nagpapaalipin sa kanyang kapwa Pilipino. Hindi sila ganap na malaya, bagkus ay nakakadena pa rin ang kanilang mga paa kahit hawak nila ang susi nito. Tila nasayang lamang ang dugo't pawis ng ating mga ninuno kung patuloy tayong magiging alipin sa sarili nating bayan at kababayan. Aanhin ang kalayaan sa ating kalupaan kung sinasakop naman ang ating isipan?
Sa paghahangad ng kasarinlan, hindi sapat ang demokrasya at soberanya ng ating bayan bilang batayan. Sa pagkamit ng kalayaan, katumbas din nito ang 𝗸𝗮𝗹𝗮𝘆𝗮𝗮𝗻 𝗺𝘂𝗹𝗮 𝘀𝗮 𝗸𝗮𝘀𝗶𝗻𝘂𝗻𝗴𝗮𝗹𝗶𝗻𝗴𝗮𝗻, 𝗺𝘂𝗹𝗮 𝘀𝗮 𝗸𝗼𝗿𝗮𝗽𝘀𝘆𝗼𝗻, 𝗺𝘂𝗹𝗮 𝘀𝗮 𝗸𝗮𝗵𝗮𝗻𝗴𝗮𝗹𝗮𝗻, 𝗮𝘁 𝗸𝗮𝗹𝗮𝘆𝗮𝗮𝗻 𝗺𝘂𝗹𝗮 𝘀𝗮 𝗮𝘁𝗶𝗻𝗴 𝘀𝗮𝗿𝗶𝗹𝗶. Sa mga pagkakataong nasa peligro ang ating kalayaan, patuloy natin ito ipaglaban. Hindi lamang para sa atin, kundi pati sa susunod na henerasyon ng mga Pilipino.
🖋️: Manuel Allam
📷: Anselmo Kesner
🖌️: Margareth Pendon