24/10/2025
SITUATIONER | Karit, Lupa, Kalbaryo
Tuwing Oktubre, ginugunita ang Buwan ng mga Pesante bilang pakikiisa sa pakikibaka ng sektor ng mga uring-magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa at bilang kolektibong pagkilos laban sa mga hamon na patuloy na kinahaharap ng sektor sa ilalim ng mala-pyudal at mapagsamantalang sistema sa bansa.
Nakakabit dito ang patuloy na krisis sa sektor ng agrikultura bilang ani ng kakulangan ng epektibong pamumuno ng rehimeng Marcos-Duterte, kawalan ng konkretong tugon sa mga pangangailangan ng sektor, at malawakang katiwalian sa paggamit ng pondo.
Makalipas ang 37 taon mula nang maipatupad ang Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP), nananatiling hamon sa sektor ng agrikultura ang kawalan ng sariling lupang sakahan, pangangamkam ng mga lupang agrikultural ng estado at mga pribadong negosyo, at walang habas na land conversion ng mga lupang ito.
Batay sa pinakahuling datos, 28 bahagdan lamang ng mga sakahang lupa sa bansa ang ganap na pag-aari ng mga magsasaka. Sa madaling sabi, pito hanggang walo sa bawat sampung magsasaka ay nananatiling walang sariling lupang sinasaka.
Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), walang naging makabuluhang reporma sa lupa sa ilalim ng administrasyong Marcos-Duterte. Sa halip, lalong lumala ang kanilang kalagayan, higit lalo dahil sa pagpapatupad ng 99-year foreign land lease law na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Agosto 29.
Sa ilalim ng batas na ito, mas tumindi ang mga kaso ng pangangamkam ng lupa na tahasang nagbabantang sirain ang seguridad sa pagkain ng bansa. Lalo ring dumami ang mga insidente ng sapilitang pagpapaalis at karahasan laban sa mga magsasaka, mangingisda, at maralita, habang patuloy na hinihikayat ang mga dayuhang negosyante na sakupin ang lupa sa anumang paraan.
Kung kaya, patuloy ang laban ng mga magsasaka, hindi lang para sa lupa, kundi para sa ani na dapat ay pinagmumulan ng kanilang pangunahing kabuhayan, ngunit maging ang kita mula rito ay patuloy na nagiging hamon para sa kanila.
Ang huwad na pangako ni Marcos Jr. na 20 piso na kilo ng bigas ay nakaugat sa sistema na nakasalalay sa pag-aangkat mula sa ibang bansa sa ilalim ng Rice Liberalization Law, na patuloy na nagpapahirap sa mga magsasaka.
Naging banta sa lokal na produksyon ng bigas ang Rice Liberalization Law, dahil binuksan nito ang pinto para sa pagdagsa ng imported na bigas at mas pinatatag ang kontrol ng mga pribadong negosyante at mga importer sa merkado. Dahil dito, patuloy na nalulugi at binabarat ang mga lokal na magsasaka dahil sa supply ng dayuhang bigas, habang nananatiling mataas ang presyo ng bigas para sa mga mamimili.
Hindi natatapos sa usapin ng lupa at ani ang ipinaglalaban ng uring magsasaka, kundi pati ang panawagan para sa kanilang kaligtasan.
Matatandaan na noong Agosto 1, pinatay ng 4th Infantry Battalion si Juan Sumilhig, isang magsasaka mula sa Occidental Mindoro. Sa kabila ng ulat ng humanitarian team ng Karapatan Southern Tagalog na siya ay isang sibilyan at magsasaka, pinaratangan siya na kasapi ng New People’s Army (NPA).
Sa kabilang banda, sinalubong ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagdiriwang ng International Humanitarian Law (IHL) sa pamamagitan ng aerial bombings sa Quezon noong Agosto 2, na nagresulta sa sapilitang pag-alis ng mga magsasaka at kanilang pamilya. Kaparehong insidente rin ang naganap noong Marso 2024 sa Tagkawayan, Quezon na kung saan, tatlong sibilyan ang muntik nang mamatay sa gitna ng walang habas na pambobomba ng 81st Infantry Battalion.
Kaya ngayong Buwan ng mga Pesante, malinaw na paalala rin ito sa mga hindi makatarungang karanasan at patuloy na pakikibaka ng mga magsasaka. Isa itong panawagan para sa agarang pagtugon ng estado sa kanilang mga pinaglalaban at inaasam na karapatan sa lupa, kabuhayan, at dignidad.
Ito ay laban na hindi lamang usapin ng pag-aagaw ng lupa, kundi ng pagtataguyod ng isang makatarungang lipunan kung saan ang mga nagbubungkal ng lupa ay tunay na nakikinabang sa bunga ng kanilang pagpapagal.
Hangga’t hindi kinikilala ng mapaniil na sistema ang kritikal na papel ng mga magsasaka, hangga’t patuloy na inaagawan at pinagkakaitan ang mga pesante ng karapatan sa lupa, patas na oportunidad, makatarungang alokasyon ng pondo, at mga kondisyong malaya sa pananamantala, hindi matatamo ang tunay na reporma, hindi mabubusog ang kumakalam na sikmura ng bansa at hindi titigil ang mga magsasaka kasama ang masa sa kanilang pakikibaka.
Isinulat ni Joyce Marie Dizon
Paglalapat ni Krystal Shane Rivera