
11/07/2025
Isang puntod ng bayani mukhang napabayaan na🥹
Salvador Estrella
1856 - 19 Oktubre 1932
Si Salvador Estrella ay isang heneral na nakipaglaban noong himagsikang Pilipino at digmaang Pilipino-Amerikano. Dahil sa kanyang katapangan sa labanan, binansagan siyang "pulang dugo."
Ipinanganak si Estrella sa Malolos, Bulacan noong 1856, pagkalipas ng tatlong taon noong ika-31 ng Agosto 1859, ang bayan ng Malolos ay nahati sa tatlong bayan, ang Malolos, Barasoain at Santa Isabel. Si Estrella ay nagmula sa Santa Isabel.
Nang sumabog ang himagsikang Pilipino noong 1896, si Estrella ay kasalukuyang nasa pangkat ng sandatahang Espanya. Ngunit kalaunan ay tumalikod sa Espanya at sumali sa himagsikan.
Noong 1897, nakilala siya sa mga labanan sa Dasmariñas at Naic. Dahil sa kanyang katapangan sa mga labanan na ito, binansagan siyang "pulang dugo" ng kanyang mga kapwa rebolusyonaryo.
Sa mga oras na ito, susugod muli si Gobernador-Heneral Camilo Garcia de Polavieja ng Espanya sa Cavite, kasama ang kanyang kinatawan na si Jose de Lachambre na nanguna sa hanay.
Dahil sa labis na pwersa ng mga Kastila, napilitan si Emilio Aguinaldo na lumipat ng kanyang punong himpilan mula sa Talisay, Batangas patungong Biak-na-Bato sa San Miguel, Bulacan.
Noong 15 Nobyembre 1897, ang pansamantalang konstitusyon ng kasunduan sa Biak-na-Bato ay napagtibay, kasama si Estrella bilang isa sa mga pumirma.
Dahil sa kagustuhan ng Espanya na mapabilis ang paglutas sa giyera, ang kasunduan sa Biak-na-Bato ay nilagdaan noong 14 Disyembre 1897 ni Gobernador-Heneral Fernando Primo de Rivera ng Espanya at ni Emilio Aguinaldo.
Si Aguinaldo at ang kanyang mga kapwa rebolusyonaryo ay binigyan ng amnestiya, pananalapi at ipinatapon sa Hong Kong. Kabilang sa mga ipinatapon ay si Estrella.
Noong 19 Mayo 1898, nagpasya sila Aguinaldo na ipagpatuloy ang rebolusyon at bumalik sa Pilipinas sa tulong ng Estados Unidos. Kabilang sa mga nagbalik ay si Estrella.
Nang sumiklab ang digmaang Pilipino-Amerikano noong 4 Pebrero 1899, si Estrella ang isa sa mga unang heneral na nakipaglaban sa labas ng Maynila.
Noong ika-5 ng Pebrero, ang mga Amerikano ay nakaposisyon sa labas ng San Roque na ngayon ay bahagi ng Cavite City, at ang mga tropang Pilipino ay pinamunuan ni Estrella.
Pagkaraan ng tatlong araw, noong ika-8 ng Pebrero, si 2nd Lieutenant John Glass ay ipinadala upang hilingin kay Estrella na sumuko at lumikas mula sa bayan.
Kung hindi ay ang mga artilerya at bangkang-pandigma ay nakahandang ipaputok sa kanila. Noong ika-9 ng Pebrero, lumapit ang alkalde ng bayan kay Commodore George Dewey upang humingi pa ng oras.
Nang tumanggi si Dewey, itinaas nila Estrella ang puting bandila upang sumuko. Ngunit ito ay isang panlilinlang lamang upang pumasok ang mga Amerikano sa bayan.
Nang matagumpay na pumasok ang mga Amerikano sa San Roque, sinunog ng mga rebolusyonaryo ang bayan. Si Estrella ay nagpatuloy sa pamumuno ng mga rebolusyonaryo ng buong taon, at nakipaglaban din siya kasama si Heneral Pio del Pilar sa Guadalupe, Makati.
Noong ika-8 ng Hunyo 1900, si Estrella ay nadakip kasama si Pio del Pilar sa Guadalupe ng mga lihim na pulis ng Amerika, mga Pilipinong panig sa Amerika na nagpanggap bilang rebolusyonaryo.
Namatay si Estrella sa kanyang bayan sa Malolos, Bulacan noong 19 Oktubre 1932, sa edad na 76.