18/09/2025
SEN. IMEE MARCOS, DI SANG-AYON SA COMELEC DECISION NA ISUSPENDE ANG PAGHAHANDA SA BARMM POLL
MARIING tinutulan ni Senadora Imee Marcos ang desisyon ng Comelec na ihinto ang paghahanda para sa parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Giit niya, hindi saklaw ng inilabas na TRO ng Korte Suprema ang mismong eleksyon kundi ang usapin lamang ng redistricting.
“Hindi ko maintindihan kung bakit nagmamadali ang Comelec na ipagpaliban ang halalan sa BARMM. Ang TRO ng Korte Suprema ay para lang sa redistricting, hindi sa mismong eleksyon,” ayon kay Marcos.
Pinuna rin niya ang tila magkaibang aksyon ng Comelec: itinigil ang paghahanda para sa halalan sa BARMM na nakatakda ngayong Oktubre, pero tuloy pa rin ang preparasyon para sa Barangay at SK Elections (BSKE) na sa susunod na taon pa dapat gaganapin.
Ayon sa senadora, posibleng may “masasamang puwersang” nakikialam at minamanipula ang Comelec. Nanawagan siya na kumilos ang ahensya nang malinaw at patas upang mapanatili ang karapatan ng mga botante sa Bangsamoro.
Dagdag pa ni Marcos, napakahalaga ng halalan sa BARMM para sa kapayapaan at katatagan ng Mindanao. “Matagal nang naghintay ang mga tao rito para sa tunay na pagpapasya sa sarili. Hindi dapat hayaang maagaw ang kanilang karapatan na pumili ng sariling lider,” aniya.