02/05/2025
Gusto mo nang bumitaw. Pero ayaw pa ng puso… O sadyang ayaw ng sitwasyon. Wala kang lakas, wala kang pera. Ang hirap yung malagay ka sa sitwasyon na wala kang choice kundi pipiliin mong magpakatatag. Umaasa na isang araw may miracle na mangyayari. Na didinggin din ng Diyos lahat ng panalangin mo bago mahuli ang lahat. Dapat ka bang mapagod? Hanggang kailan ang mga pagkakataong ilalagay mo ang sarili mo sa mga sitwasyong araw-araw na lang kumakabog ang dibdib mo sa takot, sa pag-aalala, sa mga pangamba? Sa mga lungkot kung bakit ganun ang buhay mo? Buhay na hindi mo inaasahang mangyari sa pamilya mo, buhay na ni minsan di mo pinangarap danasin ng mga anak mo. Ang layo ng buhay mo ngayon sa dating buhay mo noon. Sadyang UNFAIR lang ba talaga ang mundo? Ganoon ka ba kasama na tao para pagdaanan ninyo ang buhay na ganyan. Andaming katanungan sa ating kaisipan. Hanggang kailan? Hanggang saan ang sukdulan nito?
Hangga’t may hininga may pag-asa.. Andaling sabihin no? Sana ganon nga lang kadali ang lahat. Sana bigyan ka pa ni Lord ng lahat ng lakas ng loob para harapin ang bawat araw. Mga araw na hindi lang para mairaos ang gastusin, kundi mga araw ng sobrang haba ng pagtyatyaga, pasensya, pagmamahal at pag-asa. Sobrang bilib ako sa iyo at nakakayanan mo yan. Walang araw na hindi ko kayo ipinagdadasal. At sana sa nalalapit na araw mangyari lahat ng wish natin. Yung tuluyan na kayong makalaya lahat sa ganyang sitwasyon.
Mag-ingat kayo palagi at sana maligtas kayo lahat sa karahasan ng Droga.