22/06/2025
Zanjoe Marudo, Bida Sa Makabuluhang Pelikula: ‘How To Get Away From My Toxic Family’ – Isang Pasabog na Pagbabalik Sa Big Screen
June 22, 2025
Jemuel Cainglet Salterio -Entertainment Editor
Well, Well, Well… mga mars at ateng, make way sa pagbabalik ng certified heartthrob at versatile actor na si Zanjoe Marudo sa big screen, sa kanyang pinakahihintay na comeback movie na ‘How To Get Away From My Toxic Family’ — isang family drama na tiyak tatagos sa puso’t kaluluwa nating mga Pilipino, lalo na sa ating mga kababayan abroad na minsan ay kailangang iwan ang sariling pamilya para sa kinabukasan.
Ang bonggang pelikula na ito ay mula sa utak at puso ng kilalang entertainment personality at vlogger na si Ogie Diaz, na siyang producer ng proyekto sa ilalim ng kanyang OgieD Productions Inc., katuwang ang KreativDen Entertainment. Si Direk Law Fajardo naman ang siyang humubog sa emosyonal na direksyon ng pelikula, mula sa script na sinulat ni John Bedia.
Star-studded at all-angles ang cast ng pelikulang ‘How To Get Away From My Toxic Family’.
Hindi lang si Zanjoe ang magdadala ng bigat ng emosyon sa pelikula. Tiyak na mas lalalim pa ang impact dahil sa pagganap ng mga batikang aktor at aktres tulad nina, Susan Africa, na kilala sa kanyang husay sa pagganap bilang ilaw ng tahanan — tahimik pero may lalim at bigat, na gaganap bilang inang Ms. Maja(dera) ni ‘Arsenio’. Si Nonie Buencamino, na laging inaabangan sa mga malalalim at makapangyarihang role, isang haligi ng Philippine cinema, ay gaganap naman bilang ama ng ating bidang si Zee.
Kasama din sa pelikula sila Lesley Lina, fresh yet fierce, na magbibigay ng kakaibang texture sa ensemble. Ang magaling na aktor na si Richard Quan, na palaging may presence sa bawat eksena — mapa-contrabida man o ama ng tahanan, ay gaganap naman bilang bwiset na kapatid ni Zanjoe.
Revelation ang pag arte ni Juharra Asayo, isang batang aktres na siguradong magpaparamdam ng raw emotion sa pelikulang ito. At siyempre, ang promising na si Keena Pineda, isa sa mga bagong mukha na dapat din natin abangan.
Walang patumpik-tumpik si Zanjoe Marudo nang in-offer sa kanya ang proyekto. Sa mismong pitch pa lang ng konsepto, nadama na raw agad niya ang lalim ng karakter at kwento.
“Nung tinawagan ako for pitching, tapos in-explain nila ‘yung character ng story then right after nung mapag-usapan ang character ng story, right after that nag-yes na ako, kahit na wala pang script,” pagbabahagi ni Zanjoe sa naganap na advanced screening.
Hindi madali ang naging proseso, mga accla, dahil ayon pa kay Zanjoe,
“Kasi marami ang pwede mangyari, inantay talaga nila ako e, kung kailan daw ako ready, kung kailan ko daw gusto pag-isipan and kung sasagot ako, doon lang sila mag-uumpisa pumili ng ibang cast, kasi dapat kamukha ko, hawig and believable kasi nga pamilya kami.”
Kaya naman push na push ang production team sa pagkuhang siya talaga ang maging ‘Arsenio’, ang character ng bida sa pelikula. Sabi nga ni Ogie Diaz:
“Kasi siya ‘yung sumasalamin or ‘yung itsura njya kasi parang tagapag-taguyod ng pamilya parang ganun. So sabi namin, kailangan makuha namin si Zanjoe kasi marami rin naman napatunayan si Zanjoe kaya sabi ko hindi na tayo mahihirapan sa kanya. Kapag napa-Oo natin si Zanjoe, tsaka pa lang tayo mag casting kaya natutuwa naman kami.”
“Kapag hindi mo na kaya… alagaan mo ang sarili mong mental health.” ‘yan ang mariing punto ng producer nitong si Ogie Diaz.
Ang pelikula, mga teh, ay hindi lang basta family drama — ito ay isang matapang na pagsilip sa mental health awareness sa loob ng pamilyang Pilipino. Tinalakay nito kung paanong ang toxicity sa pamilya ay kayang makaapekto sa isipan, emosyon, at kabuuang pagkatao ng isang tao. Kaya naman sabi ni Mama Ogs:
“Kapag hindi mo na kaya (ang toxicity sa family), umalis kana. Kase shempre nung araw, hindi masyadong pinapansin ‘yung mental health, eh ngayon, lahat tayo may ‘mental health issue’ na rin. At kung ano man sa mga sitwasyon sa loob ng bahay mo ang hindi na makakabuti sa mental health natin, bibitaw tayo dun, para alagaan naman ‘yung sarili nating mental health. Itong pelikulang ito ay para din dun sa mga taong mahal nila ‘yung kanilang sariling mental health.”
Napakaganda, napakalalim, at napapanahon ang mensahe ng pelikula. Hindi ito tipikal na family drama—ito ay pelikulang may puso, utak, at layuning magmulat.
“Nakita ko ‘yung pagka-totoo ng istorya…”
“Nung i-offer saken itong pelikula nila Mama Ogs at KreativDen (last year). Medyo matagal na rin nung last project ko (lagpas isang taon na mahigit), so nung may mga nag-inquire na projects for me, isa ito sa mga nagustuhan ko sa pagbabalik ko sa pag-arte, dahil nakita ko ‘yung pagka-totoo ng istorya,” ani Zanjoe.
“Ang sarap gumawa ng isang character na, ito, simple lang, (nasa bahay lang ang set up), hindi gano’n kalalaki ‘yung mga eksena, pero maraming discussions ang nangyayari na totoong nangyayari sa tunay na buhay,” dagdag pa niya.
“Right there and then, umoo na agad ako sa movie na ito. Hindi na ako umuwi, nag-isip, on the spot, tinanggap ko na agad ‘yung project kase nagtitiwala ako na marami itong tatamaan na mga kababayan nating Pilipino,” emosyonal pang pagbabahagi ni Zanjoe.
Bago pa ito maipalabas sa mga sinehan sa ‘Pinas, nauna na itong itinanghal sa mga special screenings sa iba’t ibang bahagi ng mundo gaya ng Los Angeles, at nakatakda rin itong ipalabas sa Dubai sa June 28 and 29, sa Japan sa July 6, Western Australia sa June 29 also, at iba pang cities sa U.S. tulad ng Houston, San Diego, at San Francisco.
Malakas at marami ang clamour ng ating mga kababayan sa ibang bansa at hiling din nila sa producer ng pelikulang ito na magkaroon din ng mga international screenings ang ‘How To Get Away From My Toxic Family’ sa kanilang lugar.
Ang grand homecoming ng pelikula sa Pilipinas ay gaganapin sa July 30, 2025, exclusive sa SM Cinemas lamang!
Sa ginanap na advanced screening sa Cinema 76, dumalo mismo si Ogie Diaz — na literal galing airport matapos ang isang international meet and greet para sa pelikulang ‘How To Get Away From My Toxic Family’, at syempre, nandoon din ang bida ng pelikula na si Zanjoe Marudo. At sa tanong kung sino ang pumili ng tema ng pelikula, sagot agad ni Ogie:
“Shempre, ito ay story at concept ko ‘yun,” with matching proud na ngiti.
“Last year pa, nag-start na kami. Shempre, first choice namin si Zee (Zanjoe Marudo), sabi ko kapag hindi pumayag si Zee mahihirapan tayo kung sino ang gaganap sa role ni ‘Arsenio’ (ang character ni Zanjoe sa movie),” patuloy ni Ogie Diaz.
Malaking blessing din para sa produksiyon ang makatrabaho ang mga dating tauhan ng yumaong Dreamscape executive na si Deo Endrinal.
‘Sila mismo ang nakatutok sa mga nitty-gritty ng maraming bagay. Sila mismo ang humihimay,” pahayag ni Ogie.
Nawa ay bigyang pansin natin at panoorin ang pelikulang ito, kase maganda talaga siya. Marami kang makukuha at mapupulot na aral sa ‘How To Get Away From My Toxic Family’. Promise!
Final thought mga ateng, kung pagod ka na sa gaslighting, sa toxic na mga Nanay, Tatay, Kapatid, Tita, Tito energy, at sa emotional manipulation sa loob ng tahanan, this film is for you. Hindi ito pa-iyak lang. Ito ay pagpapa-realize na mahalaga ka — at may karapatan kang mamili ng kapayapaan.
Sa ‘How To Get Away From My Toxic Family’, hindi lang kwento ang mapapanood mo — makikita mo rin ang sarili mong laban. At sa bawat eksena, mapapaisip at mapapatanong ka…
“Hanggang kailan ako magtitiis?”
At sana, sa huli, piliin mo ang iyong sarili…
Huwag palampasin ang pelikulang magbabago ng pananaw mo sa pagmamahal — sa pamilya, at higit sa lahat, sa sarili.
‘How To Get Away From My Toxic Family’, sa SM Cinemas nationwide simula Hulyo 30, 2025. Hatid ng OgieD Productions at ng KreativDen Entertainment.
‘Yun na!