12/08/2025
‘BARMM Without Sulu: Fragmenting Autonomy?’ Tinalakay sa UP Diliman
QUEZON CITY — Muling nabuhay ang diskusyon ukol sa pagkalas ng lalawigan ng Sulu sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa isang forum na pinamagatang “BARMM Without Sulu: Fragmenting Autonomy?” sa Unibersidad ng Pilipinas (UP) Diliman noong Agosto 11.
Tinalakay ng mga tagapagsalita ang malalim na implikasyon ng hindi pagsama ng Sulu sa BARMM. Nilinaw din nila na ito ay desisyong hindi ginawa ng Korte Suprema, kundi resulta ng 2019 plebisito kung saan tinanggihan ng mga taga-Sulu ang pagsali sa rehiyon. Lumitaw sa forum na maaaring epekto ito ng kakulangan sa tiwala, impormasyon, at benepisyong naranasan ng lalawigan mula sa BARMM at pambansang pamahalaan.
𝗣𝗮𝗴𝗸𝗮𝗸𝗮𝗸𝗶𝗹𝗮𝗻𝗹𝗮𝗻 𝗮𝘁 𝗣𝗮𝗴𝗸𝗮𝗵𝗶𝘄𝗮𝗹𝗮𝘆
Itinuturing ng maraming Tausug na ang kanilang kasaysayan at kultura ay bukod-tangi. Ito ay matagal nang hinubog ng Sultanato ng Sulu, na isa sa mga unang sentro ng Islam at sariling pamahalaan sa Mindanao.
Sa kasalukuyan, ang paglipat ng Sulu sa Region IX (Zamboanga Peninsula) ay tinitingnang isang cultural mismatch, dahil ito’y rehiyong may kolonyal at Kristiyanong impluwensya na taliwas sa pinagmulan ng mga Tausug.
Ayon kay Prof. Henry Solomon ng Western Mindanao State University, layunin ng Bangsamoro na pag-isahin ang 13 Moro ethnolinguistic groups sa ilalim ng isang sistemang nagbibigay ng makabuluhang partisipasyon sa pambansang pamahalaan. Ngunit para sa ilan, hindi sapat ang pagkakaisang ito kung hindi kinikilala ang natatanging kasaysayan ng mga Tausug.
May iba ring pananaw na mas epektibong isulong ang pambansang pagkakaisa kung ikalat ang mga komunidad ng Muslim sa mga rehiyong mayoryang Kristiyano, tulad ng Region IX. Sa ganitong paraan, magkakaroon ng mas diretsong ugnayan sa pagitan ng Muslim at Kristiyanong populasyon na isang hakbang patungo sa assimilation o pagpapaloob sa mas malawak na lipunang Pilipino.
Ayon sa pananaw na ito, mas maliit ang panganib sa pambansang pagkakaisa kung hindi pagsasama-samahin sa iisang rehiyon ang mga lugar na may malaking populasyong Muslim. Sa halip na konsentrasyon, mas isinusulong ang integrasyon ng mga Muslim sa mas malawak na lipunang Pilipino.
Binigyang-diin naman ni Prof. Darwin Absari, propesor ng UP Institute of Islamic Studies, na dapat itong isagawa sa paraang nakaugat sa lokal na pananaw at hindi sa banyagang lente.
"Engage them from the indigenous philosophy of kapwa and not from the western lens,” wika niya.
Aniya, ang tunay na pagkilala sa mga Tausug at iba pang Moro ay dapat nakaugat sa lokal na kultura, gamit ang konsepto ng “kapwa”, ang pakikibahagi, paggalang, at pag-unawa sa kapwa bilang kapantay.
𝗣𝗼𝘀𝗶𝗯𝗶𝗹𝗶𝗱𝗮𝗱 𝗻𝗴 𝗣𝗮𝗴𝗹𝗶𝗸𝗵𝗮 𝗻𝗴 “𝗕𝗮𝗻𝗴𝘀𝗮 𝗦𝘂𝗴”
Iminungkahi naman ni Atty. Ancheta K. Tan, isang Tausug-Chinese, ang pagkakaroon ng hiwalay na Bangsamoro autonomous region para sa lalawigan ng Sulu, na tinawag niyang “Bangsa Sug.” Ayon sa kanya, hindi makatwiran ang pagsubok na pag-isahin ang lahat ng Moro tribes sa iisang rehiyon tulad ng BARMM, at kailangang kilalanin ang natatanging identidad ng mga Tausug.
Gayunpaman, iginiit sa talakayan na bagama’t lehitimo ang hangaring ito, hindi ito dapat isakatuparan kapalit ng pagkakaisa ng buong Bangsamoro. Ang awtonomiya ay bunga ng mahabang pakikibaka at pagkilala sa batas, gaya ng Republic Act No. 11054 (Bangsamoro Organic Law) at mga desisyon ng Korte Suprema.
Nilinaw din ng Korte na ang pagiging Bangsamoro ay hindi ipinipilit, at bawat tribo, kabilang ang mga Tausug, ay may karapatang panatilihin ang kanilang sariling kultura at pagkakakilanlan.
Ayon pa sa Article X Section 15 ng 1987 Konstitusyon, bagama’t pinapahintulutan nito ang paglikha ng mga rehiyong awtonomo sa Muslim Mindanao at Cordillera, hindi ito nagpapahintulot ng autonomous region para lamang sa isang lalawigan. Sa halip, kinakailangang ito’y binubuo ng mga “provinces, cities, municipalities, and geographical areas” na may magkakatulad na katangian. Kaya’t ang mungkahing “Bangsa Sug” na hiwalay na rehiyon para lamang sa Sulu ay walang malinaw na batayan sa Saligang Batas.
Sa halip na paghiwalay, iminungkahi ng ilang tagapagsalita na ang pagkilala sa Bangsa Sug ay maaaring isakatuparan sa loob ng BARMM mismo, sa pamamagitan ng inklusibong pamumuno at mas malawak na representasyon. Nanawagan sila sa liderato ng BARMM, partikular sa Moro Islamic Liberation Front (M**F) na karamihan ay mula sa Maguindanao, na mas pagtuunan ang pagkakabuo ng isang rehiyong tunay na sumasalamin sa lahat ng Moro kasama ang Sulu at mga karatig lalawigan gaya ng Basilan at Tawi-Tawi.
𝗣𝗮𝗻𝗮𝘄𝗮𝗴𝗮𝗻𝗴 𝗛𝘂𝘄𝗮𝗴 𝗜𝘄𝗮𝗻 𝗮𝗻𝗴 𝗦𝘂𝗹𝘂
Para kay Hadja Nur-Ainee Tan Lim, Deputy Minister ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) at anak ni Hji. Nur Misuari, hindi magiging buo ang BARMM kung wala ang Sulu.
Aniya, ang pagbabalik ng Sulu sa Bangsamoro ay hindi simpleng political reintegration, kundi pagkilalang may lugar pa rin ang mga nadismaya o nawalan ng tiwala.
“It is not wise for BARMM to let go of Sulu easily. Once autonomy is fragmented one piece at a time, then it will become a reason for other provinces to follow suit,” ani Tan Lim.
Nagbabala rin siya na kung hindi kikilos ang BARMM para muling akitin at isama ang Sulu, maaaring masira ang pundasyon ng awtonomiya.
Panawagan niya sa pamahalaang Bangsamoro na magbukas ng bukas na diyalogo, makinig nang tunay, at kilalanin ang natatanging karanasan ng Sulu hindi sa pamimilit, kundi sa pakikipagkapwa. Ipinunto niya na ang usaping ito ay tungkol sa pananagutan at pagkakapatiran sa loob ng Bangsamoro.
Ang mga Tausug ay kabilang sa mga unang aktibong kalahok sa mga kilusang Moro para sa kalayaan. Sila ay naging bahagi ng mga mahahalagang yugto—mula sa armadong pakikibaka hanggang sa mga usaping pangkapayapaan—na nagdala sa pagkakatatag ng BARMM.
“When the time came for the Bangsamoro, Tausugs were there. Now that we need the BARMM, we will wait for them to fight for us. It is their time to use whatever voice, power, and influence they have to bring us back in.”