24/10/2024
REHIYON // INSIDENTE NG LOOTING SA GITNA NG PANANALASA NG BAGYONG KRISTINE SA BICOL, NAITALA SA NAGA CITY, CAMARINES SUR
SA GITNA ng mapaminsalang pananalasa ng Bagyong Kristine sa Kabikulan nitong mga nakaraang araw, isang supermarket and department Store sa Barangay Igualdad, Naga City ang naging biktima ng Looting.
Isang viral post sa Facebook ng isang content creator, ang nagpakita ng larawan sa ilang kalalakihan na nagnakaw sa Cabral Bicolandia Supermart. Sa caption, binanggit na may pahintulot umano ang may-ari batay sa pahayag ng gwardya ng establisimyento.
Ayon sa may-ari, nadiskubre nila ang insidente nang bumisita sila sa tindahan sa Barangay Igualdad bandang alas-2 ng hapon matapos makatanggap ng mga ulat na may mga taong pumasok at nagnakaw ng mga paninda.
Pagdating nila, tumambad sa kanila ang eksenang nawala na ang lahat ng mga paninda, kabilang ang mga branded na sigarilyo, alak, at pera mula sa cash registry.
Bago pa man mangyari ang insidente, ibinahagi ng may-ari na may plano na silang makipagtulungan sa ilang mga indibidwal upang magbigay ng relief goods para sa mga biktima ng pagbaha sa lungsod.
"Mayroon na kaming kasosyo para sa paglulunsad ng relief operation dahil, ayon sa aming mga empleyado, maraming tao ang naapektuhan. Ngunit lahat ng aming stock ay nawala, at hindi namin alam kung paano makakabangon mula rito," pahayag ng CBS Management sa isang private message na ipinadala sa PDI Bicol.
Samantala, nanawagan ang kapulisan sa mga may-ari ng negosyo sa Bicol na ireport ang anumang insidente ng looting sa kanilang lugar para sa agarang aksyon.
- JAAL News Update
Source : via Ma. April Mier -Manjares/PDI Bicol
📸 FB post