07/08/2025
Harvey Dureza
𝗨𝗦𝗠, 𝗽𝗮𝗽𝗮𝘆𝗮𝗴𝗮𝗻 𝗻𝗮 𝗮𝗻𝗴 𝗴𝗿𝗼𝘂𝗽 𝘁𝗵𝗲𝘀𝗶𝘀 𝘀𝗮 𝗺𝗴𝗮 𝘂𝗻𝗱𝗲𝗿𝗴𝗿𝗮𝗱𝘂𝗮𝘁𝗲 𝘀𝘁𝘂𝗱𝗲𝗻𝘁𝘀
Simula ngayong semestre (1st Semester of Academic Year 2025–2026), maaari nang gawin 'by group' ang thesis ng mga undergraduate students ng University of Southern Mindanao (USM). Ito ay matapos aprubahan ng Board of Regents (BOR) ang naturang polisiya sa kanilang pagpupulong noong Agosto 5, 2025.
Ayon sa bagong panuntunan, ang mga mag-aaral ay maaaring bumuo ng grupo na binubuo ng dalawa o tatlong miyembro upang magsagawa ng kanilang undergraduate thesis, sa kondisyon na may pahintulot ang lahat ng kasapi ng grupo at may pag-apruba mula sa kanilang thesis adviser.
Noong nakaraang taon, una nang pinahintulutan ang ilang programa sa College of Engineering and Information Technology (CEIT) na magsagawa ng group capstone projects. Ngayong taon, pinalawak na ang saklaw ng patakaran upang payagan na rin ang collaborative undergraduate theses sa lahat ng kolehiyo at yunit ng unibersidad.
Ipinaliwanag ni Dr. Debbie Marie B. Verzosa, Pangalawang Pangulo para sa Research, Development, and Extension (RDE), na ang bagong polisiya ay inaasahang makatutulong sa parehong mga g**o at mag-aaral.
Aniya, ito ay hakbang upang gawing mas sistematiko ang proseso ng paggawa ng thesis at mabigyan ng mas tutok na gabay ng mga adviser ang kanilang mga advisee.
Mas malawak na proyekto rin ang maaaring magawa ng mga mag-aaral habang mas kaunti ang gastos.
Idinagdag pa ni Dr. Verzosa na mananatiling indibidwal ang pagbibigay ng marka sa bawat kasapi ng grupo.
Sasaklawin ng patakarang ito ang mga research proposal courses tulad ng Undergraduate Thesis 1 (UT1), Thesis A, at iba pang kaugnay na asignatura.
Asahan ang pagpapalabas ng mas detalyadong panuntunan sa mga susunod na araw sa mga opisyal na social media page at website ng unibersidad.