
12/03/2025
Hindi ka kailanman nalimutan ng Ama.
Lahat ng masasakit na salitang narinig at naririnig mo, saksi doon ang Ama.
Lahat ng mga pang-uusig at pang-uupat na naranasan mo, kita yun ng Ama.
Lahat nang pag-ubos at pag-pagod sayo ng mundo, nababatid din yun ng Ama.
Hindi yun lingid, hindi lihim.
Pinagmamasdan ka.
Alam Niya kung ilang beses kang tumatangis,
Alam Niya ang hirap mo't hinagpis.
Alam Niya ang araw-araw mong pagtitiis,
Ang araw-araw mong pagpipilit bumangon.
At naririnig ka, kapag humahanap ka ng yakap,
Kapag nasasabik ka sa Kaniyang Paglingap.
Kaya sa tuwing humahakbang ka patungo sa Kaniyang bahay,
Sinasalubong ka kaagad, pag-ibig Niya ay tunay.
Kahit na pautal-utal na sa dami ng nais mong isumbong,
Alam Niyang agad,ang dapat itugon.
Kaya sa oras na lahat ay tapos nang masambit,
ay gumagaan na ang bigat sa dibdib.
At kung kahilingan ay hindi ipagkaloob kaagad,
Maghihintay ka pa, at patuloy na mangangarap.
Na hindi ka kailanman pababayaan ng Ama.
At itatayo kang muli sa pagkakadapa.
Kaya laban pa, lumaban ka pa!
Sapagkat ‘di ka kailanman malilimutan ng ating Ama.
—Mga Akda ko