25/04/2025
Anonymous Concern from an Employee – BPO Company sa SBMA
Magandang araw. Gusto ko lang i-share ang ilang obserbasyon at concerns ko bilang isa sa mga empleyado sa isang BPO company dito sa SBMA. Matagal ko na po itong nararamdaman, at sa tingin ko panahon na para mapansin at mabigyang pansin ang mga nangyayari sa loob ng kumpanya. Hiling ko na manatili akong anonymous dahil alam kong may posibilidad na maapektuhan ang trabaho ko kung sakaling malaman kung sino ako.
Isa ito sa mga pinaka-stressful na bahagi ng trabaho namin. Hindi kami pinapayagan na basta-basta makagamit ng personal break, kahit pa may emergency gaya ng biglaang pag-ihi o pananakit ng tiyan. Kapag madalas kang pumunta ng CR, tinitingnan ito ng management na parang "manipulation" o abuso ng break time. May mga pagkakataon pa na pinapatawag ang empleyado at hinihingan ng medical certificate para lang patunayan na may problema sa kalusugan. Tanong lang po: hindi ba’t kaya nga may “personal break” ay para sa mga biglaang personal na pangangailangan? Tao lang po kami. Hindi naman po namin ginugustong mag-CR ng madalas, pero minsan hindi natin kontrolado ang katawan natin.
May mga sitwasyon rin na tila hindi na makatao ang trato sa amin.
May isang nurse mula sa ibang site na sobrang arogante. Parang ang dating niya, siya na mismo ang doktor. Imbes na makinig at tumulong, nauuwi pa sa pangmamaliit ng nararamdaman ng empleyado. Paano po kami magkakaroon ng tiwala na magsabi ng totoo kung hindi kami pinapakinggan?
Bawat empleyado may assigned locker, pero may mga pagkakataon na sinusuri ito ng HR para lang tingnan kung may pagkain sa loob o kung may nagbebenta daw. Ang masakit, may sarili silang tindahan sa pantry area at parang gusto nila doon lang kami bibili. Hindi po ba conflict of interest ito? At bakit kami pinagbabawalan magdala ng sariling pagkain kung wala namang malinaw na policy na nagbabawal nito?
Accounting and Salary Delays
Ang sahod po namin ay para sa 15-day cutoff, pero halos palaging delayed ang crediting ng salary. Noong April 15, dapat na namin matanggap ang sahod, pero lumabas ito sa bank account mga 5:55 AM na ng April 16. Isa itong buong araw ng pagkaantala. Paano po kung may kailangang bayaran na due ng April 15? Paano kung may emergency?
Bukod diyan, may mga pagkakataon na cheque ang ibinibigay sa empleyado – pero walang kasamang ATM card o malinaw na instruction kung saan ito i-encash. Kapag weekend o holiday ang petsa ng release, mapipilitan kaming maghintay ng isa pang araw bago ma-encash. Hindi po lahat may instant cash o savings – madalas naka-budget na po bawat sentimo ng sahod. ‘Di ba dapat siguraduhin na on-time at accessible ang sahod lalo na’t pinagtrabahuhan ito?
Cost-Cutting or Mismanagement?
Napapansin rin namin na parang may cost-cutting na nangyayari, pero hindi malinaw kung bakit. May mga pagbabago sa leadership at tila hindi pantay-pantay ang trato sa mga empleyado. May mga deductions na hindi malinaw ang explanation. Sa totoo lang, ang pakiramdam namin minsan ay pinaglalaruan lang ang sistema at hindi na inuuna ang kapakanan ng mga frontliners.
---
Hiling namin:
I-review ang personal break policy na naaayon sa makataong pagtrato sa empleyado.
Ayusin ang HR practices para hindi nakakaramdam ng pang-iintriga o kontrol.
Ayusin ang salary release schedule para hindi naaapektuhan ang kabuhayan ng mga empleyado.
Bigyang pansin ang attitude ng ilang medical staff na hindi naaayon sa propesyon nila.
At higit sa lahat, pakinggan sana ang boses ng mga nasa baba.
Hindi po kami nagrereklamo para manggulo. Nagrereklamo kami dahil gusto naming umayos ang kalagayan sa trabaho – hindi lang para sa amin, kundi para sa lahat ng empleyado.
Send a message to learn more