25/08/2026
๐๐๐ฉ๐๐ ๐๐ง๐ ๐๐ข๐ฌ๐๐ฆ๐ ๐๐ง๐ ๐๐๐ ๐ฌ๐ฎ๐ฌ๐ฎ๐ฅ๐๐ญ
Mahal kong AplayCho,
Matagal ko na kayong kasama.
Matagal ko nang nakikita kung paano ninyo binubuo ang mga kuwento ng ating paaralan. Nakikita ko kayong pumapasok sa silid na ito na may dalang laptop, kamera, papel at kung minsan, kape para sa mahabang gabi ng pagsusulat. Nakikita ko kayong nag-iinterview, nag-eedit ng litrato at video kmu, nag-aayos ng layout at naghahabol ng deadline. Sa ibabaw ng inyong mga ulo, tahimik lang akong nakamasid.
Pero nitong mga nakaraang taon, hindi na lamang mga kuwento ang nasasaksihan ko.
Nagsimula lamang sa isang maliit na tulo. Kapag malakas ang ulan, isa, dalawa, hanggang sa kailangan na ninyong maglagay ng timba, pitsel o kaldero sa ilalim ko. Nakikita ko kung paano ninyo inilalayo ang inyong mga gamit para hindi mabasa. Minsan, kailangang huminto muna sa pagsusulat para magsalok ng tubig. May artikulong kailangang tapusin, may layout na kailangang ipasa, pero kailangan muna ninyong harapin ang problemang matagal ko nang ipinapaalala.
Habang lumilipas ang panahon, dumami ang aking mga mantsa at kumalat ang amag. Hindi naman tumutubo ang amag sa isang araw. Nagsisimula ito sa basa, sa isang maliit na bahagi, sa isang tulo. Kapag hindi naagapan, kumakalat. Ganoon din ang kapabayaan. Unti-unti, hanggang sa masanay na lamang ang lahat sa timba sa gitna ng opisina, sa basang sahig at sa kisameng patuloy na inaamag.
Matagal ko na rin kayong nakikitang magsulat tungkol sa mga problemang nangangailangan ng pansin. Tinuturuan kayong magtanong, mag-imbestiga at magsabi ng katotohanan kahit hindi ito madaling sabihin. Ngunit minsan, naiisip ko: paano ninyo maisusulat ang kuwento ng inyong paaralan kung ang mismong lugar kung saan ninyo ginagawa ang mga kuwentong iyon ay may sarili ring kuwentong naghihintay ng aksyon?
Hindi naman kayo humihingi ng marangyang newsroom. Hindi ninyo hinihingi ang espesyal na trato. Gusto lamang ninyo ng ligtas, malinis at maayos na lugar kung saan maaari kayong magsulat, magplano, mag-isip at magsalita.
Kaya sa bawat pag-ulan, patuloy akong nagsasalita sa sarili kong paraan. Sa bawat patak, sinasabi kong may kailangang ayusin. Sa bawat bahid ng amag, ipinapaalala kong may problemang hindi dapat maging normal.
Hindi ko alam kung ilang beses na ninyo akong napansin. Hindi ko alam kung ilang beses nang naipaalam sa pamunuan ng paaralan ang aking mga tulo. Ang alam ko lamang, kapag dumating muli ang ulan, tutulo na naman ako. At muli, ang mga batang dapat nagsusulat ng kuwento ay mapipilitang sumalo ng tubig sa halip na magsulat.
Matagal ko na kayong kasama. Nasaksihan ko ang inyong mga kuwento, ang inyong mga pangarap at ang inyong pagsisikap. Sana naman, bago tuluyang kumalat ang amag at bago tuluyang lumala ang problema, may makinig din sa kuwentong matagal ko nang sinasabi.
Dahil ang publication office ay dapat lugar kung saan malayang dumadaloy ang mga ideya, kuwento at katotohanan. Hindi tubig.
Nagmamahal,
Kisame