18/01/2026
Señor Sto Niño De Tribunal
OPISYAL NA KASAYSAYAN NG DEBOSYON SA MAHAL NA SEÑOR, STO. NIÑO DE TRIBUNAL-EL GOBERNADORCILLO DE PAETE
Sa tala, sa Paete matatagpuan ang pinakamatandang debosyon sa Señor Sto. Niño sa lalawigan ng Laguna, ito ay pinatutunayan ng matanda at mahimalang imahen ng Sto. Niño de Tribunal na may nakalimbag sa tungtungan nito na ‘Año 1720’. Ang estilo ng pagkakaukit nito at ang disenyo ng kasuotang nito na nakaayon sa kasuotan ng isang "Gobernadorcillo de Naturales" ay naangkop sa panahong ng nakatalang taon, ang magpapatibay kung kailan nalikha ang imahen. Ito ay nakalagak sa Casa Tribunal o Munisipyo buhat ng sa nasa ilalim pa ng pamamahala ng mga Espanyol ang bayan ng Paete at sa loob ng 300 taon ay nagsilbing patron ng mga naging gobernadorcillo, capitanes, presidentes, at punongbayan ng bayan ng Paete.
Noong ikalawang digmaang pandaigdig, inilikas sa bundok Humarap ang orihinal na imahen ng Señor Sto. Niño de Tribunal tangan ng mga mamamayan ilang araw bago sunugin ng mga hapon ang buong bayan ng Paete kasama na ang Casa Tribunal noong ika-22 ng Marso, 1945—huwebes bago ang Semana Santa. Tumagal ang sunog nang dalawang gabi hanggang Viernes de Dolores. Sa paglusong ng imahen pabalik sa kabayanan ng Paete ito ay napunta sa pribadong pangangalaga ng pamilya nina Gaudencio at Tomasina Valdivia. At nanatili sa Paete ang imahen hanggang sa ito ay dalhin ng pamilya sa Caloocan noong dekada '70.
Noong ika-300 guning taon ng debosyon sa Sto. Niño de Tribunal, taong 2020, ay nagpakomisyon ng isang bikaryong imahen ang Parokya ng San Santiago Apostol, Paete. Ito ay sa pangunguna ng samahang Sodalidad del Señor Sto. Niño. Nililok ito ni G. Joselito Iglesia, na nagmula rin sa nasabing bayan. Taong 2022, sa harap ng bikaryong imahen na ito ay pormal na nanumpa sa katungkulan ang Gobernador Ramil Hernandez kasama ang Sangguniang Panlalawigan. Isinagawa ito sa Sta. Cruz, ang kapitolyo ng lalawigan ng Laguna.
Ang imahen sa ilalim ng titulong ito ay nilalapitan rin ng mga deboto upang manalangin upang makapasa sa mga pagsusulit, magbuntis at magkaroon ng matiwasay na panganganak, makahanap ng trabaho, at mapagkasundo ang mga may alitan. Mayroong mga nagpapailaw ng kandila, nag-iipit ng mga papel na may mga intensyon, at ang mga bata naman ay nag-iiwan ng kendi. Ang mga ekpresyong ito ay nagpapakita ng malalim na debosyon ng mga tao sa Batang Hesus, hindi lamang bilang isang bata kundi bilang kanilang pinuno; pinunong hindi kinakatakutan kundi pinaghuhugutan ng awa at kapayapaan. Kung kaya naman ito ay may pamagat na: ‘El Gobernadorcillo de Paéte’ at kabilang sa kinikilala ng Parokya ng San Santiago Apostol na Tatlong Dakilang Pintakasi ng Bayan ng Paete, kasama nito ang Apostol Santiago el Mayor na ‘Patrono Titular de la Parroquia’ at ang Nuestra Señora del Pilar bilang ‘Virgen Venerada en el Pueblo.’
Ctto sa caption: Señor Sto. Niño de Tribunal - El Gobernadorcillo de Paete