08/12/2025
PINUNO NG DAWLAH ISLAMIYA-SA MAGUINDANAO DEL SUR, NAPATAY SA OPERASYON NG MILITAR
Shariff Aguak, Maguindanao del Sur — Napatay ang kinikilalang Amir o pinuno ng teroristang Dawlah Islamiya – Hassan Group (DI-HG) na si Ustads Mohammad Usman Solaiman sa isinagawang pursuit operation ng pinagsanib na pwersa ng militar sa ilalim ng 601st Brigade, nitong Disyembre 7, 2025 sa Barangay Satan, Shariff Aguak, Maguindanao del Sur.
Si Solaiman, na kilala rin bilang “Amir,” ay kapatid ng yumaong Ustadz Kamaro Usman, kasapi ng DI-HG na napatay noong Marso 2020 sa operasyon sa Barangay Salman, Ampatuan, Maguindanao del Sur, at ni Cmdr. Badi, Battalion Commander ng BIFF-KF.
Kilala rin siya bilang bomb expert at pamangkin ng yumaong Basit Usman, isang notoryus na bomb-maker at dating pinuno ng Special Operations Group ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na nauugnay sa Abu Sayyaf at Jemaah Islamiya.
Si Solaiman at si Norodin Hassan alyas “Andot,” Amir for Military Affairs ng DI-HG, ang itinuturing na mga posibleng pumalit sa lider ng grupo na si “Abu Azim,” na napatay sa operasyon ng militar sa Barangay Dabenayan, Mamasapano, Maguindanao del Sur noong Disyembre 2, 2021.
Itinuturong responsable si Solaiman at ang grupong Dawlah Islamiya sa serye ng karahasan kabilang ang:
Pambobomba sa Rural Bus – Abril 24, 2022, Parang, Maguindanao del Norte
Yellow Bus Bombing – Mayo 26, 2022, Koronadal City at Tacurong City
Yellow Bus Bombing – Nobyembre 6, 2022, Brgy. New Isabela, Tacurong City, Sultan Kudarat
Husky Bus Bombings – Abril 17, 2023, Isulan Integrated Terminal
Pag-ambush sa tropa ng 40IB, Brgy. Tuayan, Datu Hoffer Ampatuan
Pagpatay sa tatlong sibilyang negosyante ng kambing mula Batangas
Patuloy na tinutugis ng militar ang iba pang natitirang kasapi ng grupo.
Ayon kay Brigadier General Edgar L. Catu, Commander ng 601st Brigade, malaking papel ang ginampanan ng mga residente na nagsumbong sa militar tungkol sa pangingikil ng armadong grupo. Aniya, ang kooperasyon ng komunidad ang nagbigay-daan upang matukoy ang lokasyon at presensya ng grupo.
Samantala, pinuri ni Major General Jose Vladimir R. Cagara, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, ang mabilis at epektibong operasyon ng tropa na nagresulta sa pagkakapatay sa lider ng Dawlah Islamiya. Pinapasalamatan din niya ang mga residente sa patuloy na pagbibigay ng kritikal na impormasyon.
“Ang pagkamatay ni Solaiman ay malaking dagok sa teroristang grupo. Isa itong patunay na hindi kailanman mananaig ang kasamaan. Hinihikayat ko ang iba pang natitirang mga miyembro na sumuko upang magkaroon ng pagkakataong magbagong buhay kasama ang kanilang pamilya,” pahayag ni Maj. Gen. Cagara.