02/09/2026
UPDATE: DISGRASYA SA DUMALINAO, ZAMBOANGA DEL SUR
7 PATAY, 13 SUGATAN SA VEHICULAR ACCIDENT SA DUMALINAO
DUMALINAO, Zamboanga del Sur – Nakumpleto na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan at beripikasyon sa mga biktima ng aksidente sa sasakyan na naganap sa National Highway, Barangay Paglaum, Dumalinao, Zamboanga del Sur noong Setyembre 1, 2026.
Kinilala ang mga nasawi na sina Freggie, 40-anyos, lalaki, driver ng van at residente ng Naga, Zamboanga Sibugay; Nelson, residente rin ng Naga, Zamboanga Sibugay; Assidin, 33-anyos, babae, residente ng Guiwan, Zamboanga City; Nino, 45-anyos, lalaki, residente ng Vincenzo Sagun, Zamboanga del Sur; Marites, 36-anyos, babae, residente ng Labangan, Zamboanga del Sur, na idineklarang dead on arrival sa ospital; Julcimil, 39-anyos, lalaki, driver at residente ng Dumalinao, Zamboanga del Sur; at Elizabeth, 28-anyos, babae, residente ng Dumalinao, Zamboanga del Sur.
Samantala, 13 biktima ang sugatan, na binubuo ng 11 babae at dalawang lalaki, kabilang ang isang 17-anyos na menor de edad at isang 5-anyos na bata. Agad silang isinugod sa iba't ibang ospital sa Pagadian City upang mabigyan ng kaukulang medikal na atensyon.
Dalawa pang indibidwal na sangkot sa insidente ang hindi nasugatan at hindi kinailangang maospital. Nasira rin ang isang kalapit na carinderia dahil sa lakas ng pagkakabangga.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng Dumalinao Municipal Police Station (Dumalinao MPS), kabilang ang pagkumpleto sa Traffic Investigation Report, pagsasagawa ng imbentaryo at dokumentasyon ng mga sasakyang sangkot sa aksidente, at pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang partido at pamilya ng mga biktima hinggil sa maaaring makuhang benepisyo mula sa third-party liability insurance at iba pang legal na paghahabol.
゚ ゚