05/09/2026
Sa panahon ngayon, siguro hindi na talaga panahon para magbulag-bulagan sa mga nangyayari sa ating paligid—lalo na ngayong papalapit na naman ang election. Hindi lang ito tungkol sa kung sino ang gusto nating iboto. Para sa akin, mas malaki ito kaysa sa personal na interes. Tungkol ito sa kinabukasan ng ating bayan.Hindi lang mga magulang, matatanda, o mga professionals ang dapat magkaroon ng boses. Pati kaming mga kabataan, may karapatang magsalita, magtanong, magsuri, at manindigan. Hindi dahil bata pa kami ay wala na kaming pakialam sa bansa. Sa totoo lang, kami rin ang isa sa mga unang maaapektuhan ng mga desisyong ginagawa ngayon. Nakikita namin ang hirap ng maraming pamilya. Nakikita namin ang mga estudyanteng nagsisikap kahit kapos sa pera. Nakikita namin ang mga taong nagtatrabaho nang maayos pero patuloy pa ring nahihirapan. Nakikita rin namin kung paano naaapektuhan ng maling desisyon at kawalan ng malasakit ang ordinaryong mamamayan. Kaya sana, huwag nating gawing normal ang pananahimik kapag may mali. Huwag tayong basta maniwala dahil lang sinabi ng iba. Matuto tayong mag-isip, magsuri, at alamin ang totoo. Hindi kailangan na pare-pareho tayo ng opinyon, pero sana pare-pareho tayong may malasakit sa bayan. Bilang kabataan, hindi namin sinasabing alam na namin ang lahat. Marami pa kaming kailangang matutunan. Pero alam namin na may pangarap kami para sa Pilipinas. Gusto naming dumating ang panahon na hindi na kailangang mamili ang isang pamilya kung pagkain ba o pag-aaral ang uunahin. Gusto naming magkaroon ng patas na oportunidad ang bawat kabataan, anuman ang estado sa buhay. Hindi kami lumalaban para sa sarili lamang. Lumlalaban kami para sa isang bayan na mas makatarungan, mas malaya, at mas may malasakit sa bawat Pilipino.Dahil ang bayan ay hindi pag-aari ng iilang tao. Bayan natin ito. Kinabukasan natin ito. At may bahagi rin kami sa paghubog nito.Kaya sa bawat pagkakataong ibinibigay sa atin, gamitin natin ang ating boses nang may pananagutan. Hindi para mag-away-away, kundi para magkaroon ng pagbabago. Kabataan kami, pero Pilipino rin kami. At ang laban para sa mas mabuting bayan ay laban nating lahat.