
20/07/2025
TRENDING NOW: DALAWANG BATA SA SAN ANDRES-DUMROG ELEMENTARY SCHOOL, KINAALIWAN NG MARAMI MATAPOS MAGVIRAL ANG KANILANG KAKAIBANG TAMPILAN
San Andres-Dumrog Elementary School — Dalawang bata mula sa San Andres-Dumrog Elementary School ang umantig sa puso ng milyon-milyong netizens matapos mag-viral sa social media ang video ng kanilang kahanga-hangang pagtatanghal.
Ipinamalas ng nasabing duo ang kanilang talento sa pagkanta sa ginanap na Launching ng 120-Day Feeding Program, kung saan pinasaya nila ang mga manonood sa pamamagitan ng kanilang rendition ng kantang “Pretty Little Baby.”
Ang nakakaaliw na video na in-upload ni Ma. Elena ay agad na kumalat sa iba’t ibang social media platforms at umani ng malaking atensiyon dahil sa natural na kakyutan at kompiyansa ng mga bata. Sa kasalukuyan, umabot na ito sa 40 milyong views, may 604,000 reactions, 16,900 comments, at 180,000 shares — patunay ng ligaya at inspirasyong dala nito sa mga manonood sa buong mundo.
Bahagi ito ng mas malawak na programa na naglalayong paunlarin ang kalusugan at nutrisyon ng mga kabataan. Ang nakakabilib na pagtatanghal ng mga estudyante ay nagbigay ng dagdag na saya sa naturang aktibidad. Pinuri ng mga komunidad at netizens ang video hindi lamang dahil sa talento ng mga bata kundi dahil na rin sa makabuluhang diwa ng mga lokal na programa sa paaralan sa probinsiya.