08/11/2025
SEN. ROBIN PADILLA: “ORAS NA PARA SA FEDERALISMO!”
Matapos makita ang nakapanlulumong kalagayan ng mga taga-Talisay City, Cebu sa gitna ng hagupit ni Bagyong Tino, nanawagan si Senator Robin Padilla na muling buhayin ang panawagan para sa federalismo bilang solusyon sa paulit-ulit na problema ng mga rehiyon sa mga trahedya.
“Hindi na ba tayo nagsawa sa ganitong kalagayan ng ating mga kababayan… Paulit-ulit… Antayin ulit ang mga taga-Luzon sa kanilang aksyon at solusyon habang ang mga nasa Visayas at Mindanao ay nasa bingit ng kapahamakan. Oras na para sa FEDERALISMO! Lugar mo, teritoryo mo, problema mo, solusyon mo, desisyon mo, diskarte mo. Wala ng papogi, wala ng antay-antay, aksyon na kaagad.”
Kalakip ng pahayag ni Sen. Robin Padilla ang viraI video na nagpapakita ng wasak na mga kabahayan sa Talisay City matapos ang pananalasa ng Bagyong Tino. Libo-libong pamilya ang inilikas, at maraming lugar sa Cebu ang nananatiling lubog sa baha at walang kuryente.
Binatikos ng senador ang matagal nang sentralisadong sistema na aniya’y nagdudulot ng pagkaantala sa pagtugon sa mga sakuna sa mga rehiyon. Sa ilalim ng pederalismo, ani Padilla, magkakaroon ng agarang desisyon at sariling solusyon ang bawat rehiyon sa mga problemang gaya ng kalamidad at kakulangan sa imprastraktura.
Binigyang-diin din ni Padilla na hindi dapat hintayin pa ng mga taga-Visayas at Mindanao ang aksyon mula sa pambansang pamahalaan tuwing may kalamidad. Kung merong pondo, kapangyarihan, at awtonomiya ang mga rehiyon, mas mabilis makakagalaw ang mga lider sa lokalidad.