13/05/2026
NARARANASANG POWER FLUCTUATIONS SA CAGAYAN, DULOT NG MABABANG BOLTAHE MULA SA NGCP
Nakararanas ngayon ng power fluctuations ang ilang bahagi ng Cagayan na sakop ng CAGELCO 1 at II dahil sa unstable power supply mula sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), ayon sa mga electric cooperative sa lalawigan.
Sa hiwalay na pahayag ng dalawang electric cooperative, kanilang ipinaliwanag na ang nararanasang pabago-bagong daloy ng kuryente ay dulot ng maintenance activity ng NGCP at mataas na demand sa kuryente.
Dahil dito, nakararanas ang ilang lugar ng paghina ng suplay at posibleng pagkawala ng kuryente dahil sa mahinang boltahe na pumapasok sa mga substation, dahilan upang kusang mag-trip ang mga feeder bilang proteksIyon sa mga linya ng kuryente.
Sa ngayon, nakaantabay ang mga electric cooperative sa sitwasyon habang patuloy na mino-monitor ang daloy ng kuryente at hinihintay ang karagdagang abiso mula sa NGCP kung kailan tuluyang maibabalik sa normal ang suplay ng kuryente.
Paliwanag ng mga ito, wala silang kontrol sa sitwasyon dahil umaasa lamang sila sa suplay mula sa NGCP
Hinikayat din ng mga ito ang publiko na magtipid sa paggamit ng kuryente upang maiwasan ang karagdagang aberya sa power system. (Jovy Andres)