12/04/2025
𝐊𝐎𝐋𝐔𝐌 ll 𝗡𝗮𝘀𝗮 𝗴𝗿𝗮𝗱𝗼 𝗵𝗶𝗻𝗱𝗶 𝘀𝗮 𝗮𝗽𝗲𝗹𝘆𝗶𝗱𝗼 𝗮𝗻𝗴 𝗿𝗮𝗻𝗴𝗴𝗼
Hindi binatay sa grado kundi sa apilyedo ang ranggo ko. Sa kagustuhang ang lahat ay maging pantay pantay, hindi tuloy nakita ang aking hirap at pagsisikap.
Sa pagtatapos ng klase, abay syempre labasan na ng mga card. Pinakahihintay na anunsyo ang pagbigay ng lista ng mga estudyanteng pasok sa honor list. Sabik ang mga mag-aaral na makita kung pang-ilan ba sila sa overall ranking subalit, minsan 'di maiwasang makaramdam ng pagkabigo kapag nalalamang nasa pinakahuli pala siya gawa ng apilyedo niya.
Yung ang ganda sa pakiramdam na ang taas ng puntos na nakuha mo pero huli ka lang pala matatawag o pararangalan, nagmukha tuloy na patas lang sa iba kahit mas nagsikap ka. Nakakatawa lang isipin na parang mas naging matimbang ang apelyido kaysa sa grado. DepEd Memorandum ang nagsabi, kaya tatanggapin na lang ba ang kapalarang laging nasa huli?
May nakita akong post sa Tiktok ng isang user na nalulungkot siya dahil kahit mataas ang marka niya e, nasa huli o dulo siya ng honor list nila. Madami ang nagtalo sa comment section kung patas ba talaga iyon o hindi. Naramdaman ko ang hinanakit niya dahil bukod sa natural sa atin na gusto laging nauuna e, masakit nga naman kapag nahuhuli ka diba?
Ayon sa DepEd Memo No.030, s. 2021 o "Clarifications on the Recognition of Academic Excellence Awardees per DepEd Order No.36, s. 2016." Layon nitong itrato ng patas, hindi bias, at non-hierarchical manner ang mga estudyante. Kaya nakaalpabeto ang pagkakasunod-sunod ng pangalan sa lista ng mga paparangalan.
Hindi ba bias? Parang hindi tuloy patas sa banda ng mga estudyanteng nagsikap talaga. Oo, lahat nga sila nagsikap pero merong mga estudyanteg sobra sobra naman ang pagod maabot lang ang mataas na marka pero hindi nakikilala dahil gustong itrato ang lahat ng pantay pantay.
Ipagpalagay na 94 ang marka mo tapos ang isang mag-aaral ay 89.5 ang nakuha pero mas nauna siya sa lista. Hindi naman ito pagmamayabang kung ibatay sa nakuha mong marka dahil dapat lang na makilala ang pagsisikap mo. Tinatanggal kasi ang pinaka-border sa mga estudyanteng bahagya lang makapasok sa talagang top sa klase.
Sakin lang ha, ginawa ngang pantay pantay para sa lahat pero hindi naman naging patas para sa mga estudyanteng nasa huli nga ng alpabeto ang apelyido pero lamang naman sa grado. Hindi nga naman makikita ang deperensya kung susundin ang puntos. Hindi naman ibigsabihin na gustong mauna e, ego agad ang iniisip pero hindi gan'on kundi kinikilala ang effort o ang pagsisikap ng estudyante.
Katulad ng Moving-Up at Recognitions binibigyang pansin ang pagtitiyaga ng mga mag-aaral, Recognition nga mula sa salitang recognize, hindi ba? Lahat nga naman sila pararangalan din pero mas mabuti sana kung i-recognize ang hirap ng bawat estudyante sa paraang binabase ang ranggo sa grado hindi sa apileydo.
Ikaw, bilang isang mag-aaral, sa ganitong sistema, mas pagbubutihin mo ba o mas pipiliin mo nalang ang saktong grade lang, 'yong sakto lang para sumakses?
Verbo ni Mark Evan Ortego
Dibuho ni Rizalyn Godio