04/08/2019
Muling sumapit ang gabi, sa sulok ng kwartong mausok, dahan-dahang isinandal ni Nicole ang likod sa mala-yelong lamig ng pader habang nakasilay kay Charisse.
"Tumal ngayon 'no? Badtrip kase 'tong ulan tangina!" , sabi ni Charisse. "Oh chill ka lang, ang aga-aga pa eh. Di pa nga pinapatay yung mga ilaw ng mga poste sa labas pero ikaw punding-pundi na. Relax ka lang." , sagot ni Nicole.
"Kailan kaya tayo titigil sa ganto 'no?! Putang p**a na 'ko araw-araw. Kung hindi lang natin kailangan ng pera.", sambit ni Charisee sabay hipak sa pangatlong sigarilyo mula sa paketeng bigay ng tropa niyang si Franz.
"Nako, hindi ko masabi kung may bago pa bang mangyayari sa buhay nating dalawa. Tangina binebenta na nga ni Dugong 'tong bansa sa mga Ching-chong aasa ka pa? Basta ang akin lang, ayoko na maranasang magutom ng halos isang linggo. Walang kuryente, walang matirhan, maski tubig 'di natin alam kung saan hahagilapin. Ikaw rin naman 'di ba? Hindi ka nga mapakali 'nong hindi mo ma-chat 'yung lalake mo dahil lowbat ang cellphone mo at wala tayong kuryente. Sino nga ulit 'yon? Yung Jackie ba yun??? Caloy?? Jericho ata?? Putangina, sa dami ng naging lalake mo hindi ko na maalala kung sino don." , sabay hagalpak ng tawa si Nicole.
"OA ka rin minsan eh 'no? Gagong 'to. Wag kaya kita bigyan ng komisyon sa mga service ko mamaya? Ano? Gusto mo 'yon?!", wika ni Charisse na tila nainis sa mga tinura ni Nicole.
"HOY! Ano ka ba? Alam mo namang biro lang 'yon para kang tanga.", habang natatawa-tawa pa.
Malipas ang ilang saglit ng paghabol ng hininga ni Nicole at sa pag-ubos ni Charisse sa huling sigarilyo sa pakete ay bigla siyang tumayo.
"Tangina nasusuka na naman ako s**t!"
"Hoy, sigurado ka bang sa kinaen mo lang 'yan? Ano yan, tatlong araw na sira mga pagkaing kinakain mo?" , na may hagikgik na wari pang-aasar kay Charisse.
"Baka nga ganon! Hayop na yan!" , habang patuloy sa pagduwal.
"Kung ako sayo, mag PT ka na. Sagabal 'yan sa hanapbuhay sinasabe ko sa'yo."
Napamuni-muni saglit ang dalaga. "Mas naisip mo pa talaga 'yong pera kaysa sa akin 'no? Ayos ka talaga!"
"TANGA! Kung mas bata-bata lang ako eh ako na lang sana diyan sa puwesto. Ba't ko naman tatanggihan ang sandamukal na pera? Ano 'ko tanga? Gagang to."
Hindi na muling sumagot pa si Charisse sapagkat masakit mang isipin, alam niyang kailanma'y mas mahalaga para kay Nicole ang pagpawi sa kalam ng sikmura kaysa sa kahalangan nito. Matapos ang ilan pang minuto.
"Oh, kayong dalawa na. Ayus-ayusin niyo ha?! Matumal na nga ngayong gabi baka mag-inarte pa 'yang alaga mo?! 'Di ko na alam gagawin sa inyo." Tumango ang dalawa sabay hawi ng bakla nilang manager na si Robin sa kurtina palabas.
" 'Lika na Ma. Walang babaunin si Yen at Loons bukas 'pag 'di tayo kumayod dito. 'Yong renta kahapon pa 'ko sinisingil ni Aling Maxi, urat na urat na nga 'ko kakakatok niya sa pinto. Hayop na yan."
Tumayo mula sa pagkakaupo si Nicole matapos ang paanyaya ng kanyang kaisa-isahang anak na babae.
"Ganon talaga 'nak. Dito sa baba, wala kang karapatang unahin ang sarili mo. Dahil kung gagawin mo 'yon, hihilahin ka pababa ng mga taong kasama mo, o 'di nama'y , mamamatay ka sa kakabuhay mo sa pamilya mo."
Kumawala ang dalawa sa tensyon ng kanilang usapan. Muling tumapak sa entablado si Charisse habang ang kanyang ina'y nagsimulang mag-alok ng extra service galing sa anak pagtapos ng pagtatanghal. Naghubad, paunti-unti. Animo'y nagdiriwang ng isang salo-salo at katakam-takam ang inihain ng lipunan.
Nagsimulang sumayaw ang kaluluwang iginapos sa apoy. Sa kabila ng hatid nitong alindog, ay patay, patay ang mga matang nagsasabing sana isang araw - may magligtas sa kanya.
"Pregnancy test, huh?"
ni Leroy Palaboy