08/09/2026
𝐋𝐈𝐓𝐄𝐑𝐀𝐑𝐘 | 𝐇𝐈𝐍𝐃𝐈 𝐍𝐀 𝐀𝐊𝐎 𝐀𝐍𝐆 𝐍𝐀𝐆𝐇𝐈𝐇𝐈𝐍𝐓𝐀𝐘
Dati, ako ang batang nakaupo sa bintana, naghihintay sa bawat ugong ng sasakyang maaaring maghatid kay papa pauwi.
Ngayon, ako na ang bumabagtas sa mahahabang kalsada. Paminsan-minsan, naiisip kong may isang bintanang tahimik na binubuksan para sa akin.
May mga matang naghihintay. May pusong nagdarasal na sana ligtas akong makauwi.
Bawat alarmang gumigising sa umaga ang hudyat ng panibagong pag-arangkada.
Bawat araw ay parang kalsadang may likong hindi inaasahan at mga daang kailangan pa ring tahakin kahit mabigat na ang mga hakbang.
Hindi na ako ang batang nakasilip sa bintana.
Ako na ang naglalakbay, bitbit ang responsibilidad, pangarap, at pangamba.
Sa katahimikan ng silid, mas malinaw kong naririnig ang boses ni mama.
“Anak, kailan ang uwi mo?”
Hindi ko iyon masagot.
Hindi dahil ayaw kong umuwi.
Kundi dahil may mga pangarap na kailangan munang abutin.
“Anak, kumain ka na ba?”
Noon, nagrereklamo ako sa paulit-ulit na ulam.
Ngayon, itlog ang madalas na nasa hapag, noodles na paulit-ulit, at delatang halos wala nang katapusan. May mga pagkakataong ang pagkain ay panglaman tiyan na lamang.
At doon ko naunawaan ang tanong na iyon.
Hindi lang pala iyon tungkol sa pagkain.
Paraan pala iyon ng pagsasabing,
“Anak, alagaan mo ang sarili mo. Umuwi kang ligtas.”
Darating din ang araw ng aking pag-uwi.
At sa araw na iyon, hindi lang pangarap ang iuuwi ko.
Uuwi rin ang lahat ng pagod, luha, at pangungulilang tahimik kong kinimkim.
Sa pagkakataong iyon, hindi na ako ang batang naghihintay sa pagdating ng aking papa.
𝘼𝙆𝙊 𝙉𝘼 𝘼𝙉𝙂 𝙐𝙐𝙒𝙄.
🎨: DezireF
✍️: Nikie Soleil