07/09/2025
𝐏𝐢𝐧𝐚𝐧 𝐍𝐇𝐒 𝐍𝐚𝐠𝐬𝐚𝐠𝐚𝐰𝐚 𝐧𝐠 𝐔𝐧𝐚𝐧𝐠 𝐆𝐞𝐧𝐞𝐫𝐚𝐥 𝐏𝐓𝐀 𝐌𝐞𝐞𝐭𝐢𝐧𝐠 𝟐𝟎𝟐𝟓–𝟐𝟎𝟐𝟔
Idinaos ng Piñan National High School (PNHS) ang unang General Parent-Teacher Association (GPTA) Meeting para sa Taong Panuruan 2025–2026 noong Setyembre 6 sa paaralan. Dinaluhan ito ng mga g**o at magulang upang talakayin ang mahahalagang programa, polisiya, at isyu na may kinalaman sa paaralan at sa mga mag-aaral.
Pinangunahan ng punong-g**o na si Ma’am Lorna V. Sarmion ang pagtitipon, kasama ang mga opisyal ng GPTA, habang si Ma’am Juvy Jarapan ang nagsilbing tagapagdaloy. Kabilang sa bahagi ng programa ang pagpapakilala sa bagong hanay ng mga opisyal ng GPTA.
Tinalakay sa pulong ang mga nalalapit na gawain, mga programa ng DepEd, at mga polisiya ng paaralan hinggil sa asal at akademikong pagganap ng mga mag-aaral. Isa sa mga pangunahing paksa ang bagong sistema ng Division na tinatawag na paperless exam gamit ang SilverTek, na gagamit ng cellphone kahit walang internet. Nilinaw ng pamunuan na hindi kinakailangang bumili ng bagong gadget ang mga magulang dahil maaari namang hiramin ng mga estudyante ang cellphone ng kanilang mga magulang o kamag-aral.
Natalakay rin ang isyu ng attendance ng ilang Grade 11 students, kung saan binigyang-diin ng mga g**o ang kahalagahan ng regular na pagpasok dahil nakaaapekto ito sa posibilidad ng muling pag-eenroll. Dagdag pa ni Ma’am Charity Elcamel, para sa TVL track, mahalaga ang “double A: Attendance at Attitude.”
Ipinahayag naman ni Ma’am Sarmion, punong g**o ng paaralan na ipagpapatuloy ngayong taon ang iba’t ibang programa ng paaralan kabilang ang work immersion, mga aktibidad sa Science at English, Career Guidance, Scouting, Journalism, at Sports, pati na rin ang Aral Program na nagbibigay ng libreng tutorial mula sa mga g**o ng PNHS. Tiniyak din ng pamunuan ang pagbibigay-pansin sa kalusugan ng mga mag-aaral, partikular ang sapat na oras ng pahinga at pagtulog, at nanindigan na mananatiling bukas ang paaralan para sa mga may problemang pangkalusugan ngunit patuloy na nagsusumikap makatapos.
Pinuri rin ang mahalagang ambag ng GPTA sa pagpapatupad ng mga programa, proyekto, at aktibidad ng paaralan, lalo na sa pagbibigay ng pinansyal na suporta, aktibong partisipasyon, at pagtutulungan upang maging matagumpay ang mga ito.
Nanawagan naman ang mga opisyal ng GPTA sa patuloy na suporta ng mga magulang at tiniyak nilang bukas ang asosasyon sa lahat ng suhestiyon, tulong, at pakikilahok.
Matapos ang pangkalahatang pulong, nagtungo ang mga magulang sa kani-kanilang silid-aralan para sa Homeroom PTA meeting at pagkuha ng resulta ng unang markahan.
✍️: 𝙍.𝙌𝙪𝙞𝙨𝙩𝙤 📷: 𝙋.𝘾. 𝙅𝘼𝘽𝙄𝘼𝙉