
03/08/2025
PROV'L BOARD, INAPRUBAHAN ANG RESOLUSYON NA MAGLILIPAT NG NILALAMAN NG PALAWAN HERITAGE CENTER SA GOVERNOR’S RESIDENCE
Para sa pinatinding proteksyon at pinalawak na paglalagyan ng kasaysayan ng Palawan, inaprubahan na ng mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Palawan ang Resolution No. 0154-25 na ipinanukala ni First District Board Member Cherry Pie Acosta sa “first and final reading” nitong nakalipas na Biyernes, Hulyo 29.
Nais ng panukalang resolusyon na madaliin si Gobernadora Amy R. Alvarez sa pagpapatayo ng bagong Palawan Heritage Center (PHC) na paglilipatan ng mga makasaysayang nilalaman ng kasalukuyang gusali nito sa Provincial Capitol sa katabing property ng Governor’s Residence.
“That’s been observed na masyado pong maliit iyong area na puwedeng malimitahan iyong ating mga bisita para sa ating cultural awareness,” sabi ni Acosta.
Hindi rin kumikita ang kasalukuyang gusali.
“Kailangan po natin ng maayos na seguridad, Mr. Chairman [Bise Gobernador Leoncio Ola], dahil ang tinatambak po [r]iyan sa heritage center ay ‘di po replica, lahat po iyan ay authentic. Kaya kailangan po nating proteksyunan,” paliwanag ni Acosta.
“We will use a separate building for this project,” sabi rin niya sa planong “relocation” ng PHC sa Quezon Street, Barangay Matiyaga, Puerto Princesa City.
Sinuportahan din ni Board Member Winston G. Arzaga ang nabanggit na “measure” dahil sa halaga nito.
“I fully support this measure, Mr. Chairman, kasi nakikita naman po natin na napakaraming dapat na mailagay pa at hindi na po magkasya sa ating area para po sa Cultural Heritage Park ng ating program,” sabi niya.
Nais din ng resolusyon na mapondohan ang proyekto upang “malipat ang luma sa bago”, ayon kay Acosta. | Photo courtesy: Palawan Provincial Board
via Albert Villamor